Marian Rivera gives heartfelt message to Dingdong Dantes
Sa phone interview sa episode ng "Tonight With Arnold Clavio" nitong Miyerkules, nagbigay ng madamdaming mensahe si Marian Rivera sa kaniyang mister na si Dingdong Dantes na katuwang niya sa buhay at pagpapalaki sa kanilang anak na si Baby Zia.

Sa ikalawang bahagi ng panayam ni Arnold Clavio kay Dingdong na nasa GMA studio, sinorpresa nila ang aktor sa pamamagitan ng phone interview sa kaniyang mag-ina na sina Marian at baby Zia.
Sa telepono, maririnig ang tinig ni baby Zia at tila kinakausap ang kaniyang ama.
May pagkakataon pa na parang sumagot si Zia nang tanungin ni Arnold si Marian kung papayag siyang mag-artista ang anak.
Tungkol naman kay Dingdong, sinabi ni Marian na all out magmahal at mag-asikaso sa kaniya at sa kanilang anak ang aktor.
Katunayan, sinabi ni Marian na dahil nakatutok silang mag-asawa sa pag-aalaga sa kanilang anak, may pagkakataon na napapabayaan na nila ang sarili.
Sa ganitong pagkakataon, gumagawa umano ng paraan si Dingdong para saluhin ang pag-aalaga sa kanilang anak upang magkaroon naman ng kahit kaunting oras sa sarili ang aktres.
"Siguro kung lahat ng lalaki sa mundo, asawa ganyan (kagaya ni Dingdong), siguro maraming hindi matatakot na mag-asawa at magkaanak," ayon kay Marian.
Dagdag ni Marian, si Dingdong ang tipo ng lalaki na ipinadama ang kahalagahan niya at laging nakasuporta sa kaniya sa lahat ng sandali.
Nang tanungin ni Arnold si Marian kung kumusta bilang ama ang Kapuso Primetime King, sambit ng Kapuso Primetime Queen, "Malamang yung anak ko daddy's girl. Lagi silang naglalaro."
Ngayon pa nga lang daw, sinabi ni Marian na pinag-isiipan na ni Dingdong kung saan mag-aaral si baby Zia.
At dahil nasabi noon ni Marian na isang dosena ang nais niyang maging anak, tinanong muli ni Arnold ang aktres kung ganito pa rin karami ang plano niya ngayong naranasan na niya ang manganak.
Ayon kay Marian, nagbibiro lang siya noon sa isang dosenang anak pero nais daw niya ng apat hanggang lima pang anak.
Sagot naman ni Dingdong sa tinuran ng asawa, "Anytime."
Nang hingan ni Arnold ng mensahe si Marian para kay Dingdong, sinabi ng aktres na marami siyang nais sabihin sa asawa na hindi niya nasasabi.
"Sobrang thankful ako na naging asawa ko siya, at sa lahat ng bagay sinusuportahan mo 'ko. Salamat, specially sa pagpapalaki sa anak natin," ayon kay Marian.
"Sana 'wag kang magbago kasi sa iyo ako kumukuha ng lakas para magawa kong lahat ng kailangan kong gawin araw-araw. I love you," dagdag ni Marian na nagbilin pa sa aktor na mag-ingat sa pag-uwi. -- FRJimenez, GMA News