Miguel Tanfelix, nag-padyak, sorbetero at iba pa para sa isang kaibigan
Sa programang Wish Ko Lang, nakita ang kagandahan ng kalooban ng teen heartthrob na si Miguel Tanfelix. Para sa isang kaibigan na nais niyang tulungan, tiniis ng aktor ang init ng araw at sakit ng katawan sa pagsabak sa iba't ibang raket tulad ng padyak driver, sorbetero, at iba.
Sa episode ng Wish Ko Lang nitong Sabado, napili ng host na si Vicky Morales si Miguel na magsilbing "fairy godfather" sa taong nais niyang tulungan.

Nalaman kasi ng programa na may kaibigan si Miguel na dumadanas ng matinding pagsubok sa buhay.
Kuwento ng "Wish I May" leading man, malaki ang utang na loob niya sa kaibigang si Fritz na nakatulong sa kaniya nang nagsisimula pa lang siya sa showbiz tulad sa pagsayaw.

Ikinalungkot ng aktor nang mabalitaan niya na nagtangkang magpakamatay si Fritz dahil sa depresyon nang iniwan ng kinakasama at dinala ang kanilang isang anak na lalaki.
Sa tulong ng pamilya, unti-unting nakabangon si Fritz. Para pa rin masuportahan ang anak kahit wala sa kaniya, nagpapasada siya ng tricycle, tumutulong sa barangay at nagtuturo ng sayaw.
Upang magawa ni Miguel ang layunin na matulungan ang kaibigan, naghandog ang Wish Ko Lang ng P50,000.00 na tulong at ang aktor na ang bahalang magpasya kung papaano ito gagamitin.
Naisip naman ng aktor na pasukin ang iba't ibang raket upang madagdagan ang P50,000.00 para mabili at maibigay ang tulong na gustong ibigay sa kaibigan.
Pinasok ni Miguel ang pagiging sidecar drayber at hindi niya alintana ang init ng araw at sakit sa binti sa pagpadyak.

Para madagdaga ang kita, humingi na rin ng contribution si Miguel sa mga nagpapa-selfie sa kaniya.

Nagtinda rin ng sorbetes si Miguel para sa dagdag kita. Dito nalaman ng aktor na hindi madali ang trabaho ng mga sorbetero nang maranasan niyang magkapaltos ng kamay dahil sa pagbuhat ng kariton upang maghanap ng puwesto.

Pero ang lahat ng hirap, pawis at pagod, kinaya ni Miguel para kay Fritz.
Ngunit hindi pa doon nagtapos si Miguel, nag-mime din siya sa isang mall para makakuha ng dagdag na donasyon.

Nang maging sapat na ang kaniyang pondo, inihanda na ni Miguel ang regalo niya kay Fritz. Pinuntahan niya ang kaibigan sa isang studio na labis na nabigla nang makita siya.

Bukod dito, nakita rin ni Fritz ang kaniyang anak na matagal niyang hindi nakasama.

At dahil magdiriwang ng ikatlong kaarawan ang bata, dinala sila ni Miguel sa isang party house na kasama sa mga regalo niya sa kaibigan.
Labis ang pasasalamat ni Fritz dahil natupad ang pangarap niyang magandang birthday party sa anak, na hindi raw niya makakayang ibigay ngayon.

Pero bukod sa birthday party ng bata, ibinigay ni Miguel ang regalong tricycle kay Fritz para may sarili na itong maipampapasada.

Isinama rin niya ang mag-ama sa isang mall para makapamili ng mga laruan ang anak ni Fritz.

Ang handog sa mag-ama ay mula sa ginawang pagbabanat ng buto ni Miguel, na sulit na sulit daw dahil sa kasiyahang naibigay niya sa pinakamamahal na kaibigan. -- FRJ, GMA News