Alden focused on work despite success, reveals new AlDub movie in the works
Abala ngayon ang Pambansang Bae na si Alden Richards sa pagbida sa Kalyeserye ng "Eat Bulaga!" pati na sa "Sunday Pinasaya" at iba pang showbiz commitments.
Sa katunayan, kakatapos lamang mag-taping ng aktor para sa Lenten Special ng longest-running noontime show sa bansa, kasama sina Jake Ejercito at Dubsmash Queen at Kalyeserye Sweetheart Maine Mendoza.
Bukod diyan, kabilang rin sa aabangan ng AlDub Nation ang panibagong pelikulang pagbibidahan ng phenomenal loveteam.
"We'll be coming up with a movie. Hindi ko pa puwedeng i-spill ang mga detalye kasi nasa planning process pa lang, pero asahan niyo na it's coming soon," pahayag ni Alden.
Bukod sa mga programang pinagbibidahan, tampok rin si Alden sa iba't ibang magazine covers at endorsements simula noong nakaraang taon.
Dahil sa sunod-sunod niyang proyekto, maraming titulo na ang ibinigay sa binata, kabilang na ang Endorsement King, susunod na Primetime Royalty, at marami pang iba.
Para kay Alden, wala raw ibig sabihin ang mga titulong ito.
Aniya sa isang press conference nitong Miyerkules, "Hindi talaga ako fan ng titles. Whatever I get, I work hard for it. I'm very passionate in everything I do in showbiz. Kung may magbigay man sa akin ng title, salamat. But I'm really not entertaining titles. I'm just Alden Richards."
Bilang isang artista, nais lang daw niyang tuparin ang pangarap ng kaniyang yumaong ina at ipakita ang kaniyang talento at passion sa lahat ng mga manonood.
Nais niyang patuloy na pasayahin ang kaniyang mga mahal sa buhay at tagahanga, at matulungan sila sa anomang paraan, lalong-lalo na ang kaniyang pamilya.
"Kapag natatanggap ko ang blessings, iisipin ko kung paano ko ishe-share sa iba. Siyempre, priority ko ang family ko," aniya. — AT, GMA News