ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Michael V. vows to uphold quality of ‘Bubble Gang,’ other Kapuso shows as he renews contract


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinikilala bilang isa sa mga beterano at pinakamagaling na Kapuso comedians ang “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto” star na si Michael V., na kamakailan lamang ay naging host na rin ng “Lip Sync Battle Philippines” kasama si Iya Villania.

Nitong Miyerkules, muling pumirma ng kontrata si Bitoy sa GMA Network, at nangakong ipagpapatuloy ang pagpapasaya sa mga manonood.

“'Yung mga ginagawa kong shows, asahan ninyong mas pagagandahin pa namin ang ibinibigay namin sa inyo. Kung may gusto pa kayo, may paraan na para masabi sa amin. Makikinig kami sa inyo,” ayon kay Bitoy.

Pahayag naman ni GMA Network CEO Atty. Felipe L. Gozon, “I am more proud that he is with us. Si Michael, hindi lang talent in front of the camera. Malaki rin ang contribution niya sa paggawa ng shows niya. He is not only a comedian, he is a director, a writer, and many more. But the most important thing, as far as I'm concerned, Michael is a very decent artist.”

“We are ecstatic. Bitoy stands out as being unique in his generation. Whether it's the quality of his performances or what he writes, talagang walang katumbas. Sa paniniwala ko, hindi pa pinapanganak ang susunod sa yapak niya,” dagdag ni GMA Network President and COO Gilberto R. Duavit, Jr.

 

 

Masaya raw si Bitoy dahil ilang taon man ang lumilipas, nangunguna pa rin sa comedy ang Kapuso Network.

Aniya, “Dito sa atin, tayo ang nagsimula ng magagandang comedy series. I would say na ako, tagasulong lang ako ng nasimulan ng GMA.”

Ano nga ba ang sikreto sa likod ng tagumpay na ito, lalo na ng “Bubble Gang” na dalawampung taon nang umeere sa telebisyon?

Isa raw sa pinakaiingatan ni Bitoy ang samahan ng mga bumubuo ng programa, sa harap man o likod ng camera.

“After twenty years, with Bubble Gang, proud talaga ako hindi lang para sa sarili ko kundi pati sa mga kasama ko—mga writer, mga tao behind the camera. All the way, kasama namin sila sa hirap o ginhawa ng show. Nandiyan lang sila to support, to lend an ear kung mayroon man kaming suggestions o requests. Para sa akin, malaking bagay for a management and a talent to have that kind of relationship,” ayon sa Kapuso comedian.

Dagdag pa niya, “Palagi kaming three or four steps ahead. Mahirap nang masingitan ng kompitensya. Especially with Bubble Gang na twenty years na sa industriya.”

Aminado naman ang batikang komedyante na nahaharap pa rin siya sa iba't ibang hamon ng industriya, ngunit ipinagmamalaki niyang nalampasan ito ng programang kinabibilangan niya sa pamamagitan na rin ng pagtutulungan ng staff, cast, at crew.

Aniya,  “At this point, nagugulat pa rin ako dahil we come up with stuff na hindi pa namin nagagawa before. Mahirap na 'yan ngayon, lalo na with social media. Noong wala pa 'yan, may edge kami. Pero ngayon, patas na ang labanan.”

“Ang main battle ngayon is pagalingan na lang, and I'm proud to say na 'yung grupo ng Bubble Gang ay nangunguna pa rin at parang hindi mapapantayan,” dagdag pa ni Bitoy.

Sa ngayon, kasabay ng pagiging matagumpay na host at komedyante, balak rin ng Kapuso comedian na bumuo ng isang comedy film.

Kuwento niya, “'Yung plano, laging nandiyan. Humahanap lang ng time dahil busy nga ngayon. 'Yung mga show ko, hindi naman ganoon kadaling gawin at talagang pinaglalaanan mo ng panahon. Kapag binawasan mo ang panahon na 'yun, baka mag-suffer ang quality ng shows. At this point, nandiyan na ang plano, humahanap na lang ng tiyempo.”

Handa na raw ang full script ng naturang pelikula, at mayroon na rin itong casting.

Abala ngayon si Michael V. sa pagbida sa “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto,” at sa pagiging host ng “Lip Sync Battle Philippines.” — AT/FRJ, GMA News