WATCH: Pangarap ng 'Wowowin' contestant, binigyan katuparan ni Kuya Wil
Sa simula ng segment na "Pera o Kahon," naikuwento ng babaeng kalahok ang kinakaharap na hirap sa buhay ng kaniyang pamilya at mga pagmamaliit na kaniyang natatanggap.
Katunayan, umutang lang daw sila ng kaniyang ina ng perang pamasahe para makarating sa studio ng Wowowin.
Sa tawaran na ng mga kahon, umabot sa P50,000 ang alok ni Kuya Wil at pera ang pinili ng babae. Nang buksan ang kahon, laman nito ang mega jackpot.
Bigo mang makuha ang jackpot, sinabi ng babae na sapat na sa kaniya kung mapapabilang siya sa mga Wowowin dancer na ikinatuwa ni Willie dahil sa pagiging tapat nito at mabait.
Umabot sa P70,000 ang nakuhang premyo ng babae, pero dinagdagan pa ito ni Willie ng P30,000 para maging P100,000. Bukod doon, tinupad ni Kuya Wil ang pangarap ng babae na makasama sa mga dancer ng kaniyang hit game show.
-- FRJ, GMA News