Matteo Guidicelli, naglabas ng sama ng loob sa pagkamatay ng 'best friend' na si Alfano
Sa pamamagitan ng Instagram, inilabas ng aktor na si Matteo Guidicelli ang kaniyang sama ng loob sa pagpanaw ng kaniyang alagang aso na si "Alfano" na itinuturing niyang best friend.
Sa kaniyang Instagram account, nag-post si Matteo ng larawan kasama si Alfano.

Sa caption ng larawan, ikinuwento ng aktor ang nangyari kay Alfano noong Marso 7 nang dalhin ito sa isang vet clinic sa Alabang para ipa-check-up dahil may sugat ito sa siko.
Paniwala ng aktor, kapabayaan at maling pagtrato umano ng apat na tauhan ng vet clinic ang naging dahilan ng pagkamatay ni Alfano.
Maayos daw ang lagay ni Alfano nang dahil ito sa clinic kasama ang mga tagapag-alaga na sina Tibo at Amay, "where we was supposed to have gotten a mere checkup."
Kuwento pa ng aktor, “He was attended to at 11:45am and at 12:00 we got a call from Tibo saying that he wasn't breathing.
Nang magtungo daw siya sa clinic, idineklarang patay na umano ang aso ng 12:05.
Hinala ni Matteo, pinuwersa ng apat na tauhan sa klinika ang kaniyang aso at hindi ipinaalam sa kanila ang gagawin dahil pinaalis daw ang kasamang nagbabantay sa hayop.
Umaasa ang aktor na hindi mangyayari sa iba ang sinapit ng kaniyang alaga na itinuturing niyang matalik na kaibigan.
Noong nakaraang Enero, isinisi rin ng dating StarStruck hopeful na si Mariam Al-alawi sa isang vet clinic sa Fort Bonifacio, Taguig, ang pagkamatay ng kaniyang Pomeranian dog na si "Bella" matapos isailalim sa dental prophylaxis.
READ: Ex-StarStruck bet cries vet malpractice as dog dies in botched dental procedure.: -- FRJ, GMA News