Maine at Alden, kabilang sa mga nagwagi sa Dabarkads Choice Awards ng 'Eat Bulaga'
Hinirang na ang mga nagwagi sa taunang Dabarkads Choice Awards ng 'Eat Bulaga' nitong Sabado kaugnay sa naging pagganap ng dabarkads sa ipinalabas nilang Lenten drama special nitong nagdaang Holy Week.
Nakamit ni Maine Mendoza ang parangal na "Darling of the Screen," kung saan naging nominado rin sina Pia Guanio, Paolo Ballesteros, Ryzza Mae Dizon, Alden Richards at Jake Ejercito.
CONGRATULATIONS EB Dabarkads!Mga dabarkads, maraming salamat sa lahat ng nanonood ng EB Lenten Special! :)
Posted by Eat Bulaga on Friday, April 1, 2016
Ang "Dabarkads Choice Award" na mula sa pagboto ng netizens sa Facebook para sa paborito nilang Lenten episode ay napunta sa "God Gave Me You," na pinagbidahan nina Maine, Alden at Jake.
Hinirang naman na "Breakthrough Artist of the Year" si Patricia Tumulak para sa pagganap niya sa episode na "Walang Kapalit."
Nominado rin sa naturang kategorya sina Anne Boleche (Walang Kapalit);Kenneth Medrano (Walang Kapalit); Baste (Panata) at Jake Ejercito (God Gave Me You).
Ang episode na "Dalangin Ng Ama" na pinangunahan nina Ryan Agoncillo at Joey de Leon ang hinirang na "Best Story."
Si Pauleen Luna-Sotto ang tumanggap ng pagkilala bilang "Exceptional Performance in a Supporting Role." Nominado rito sina Jimmy Santos, Pia Guanio, Kenneth Medrano, Patricia Tumulak, Ruby Rodriguez, at Jake Ejercito.
Big winner naman si Alden Richards na hinirang na "Most Dramatic Performance Of A Lead Star" para sa kaniyang pagganap sa "God Gave Me You."
Naging katunggali niya sa naturang pagkilala sina Ryan Agoncillo (Dalangin ng Ama); Wally Bayola (Kapatid Ng Buhay); Paolo Ballesteros (Kapatid Ng Buhay), Jose Manalo (Kapatid Ng Buhay); at Allan K. (Walang Kapalit).
Kabilang sa mga naging hurado sa pagpili ng mga nanalo ay ang batikang aktor na si Tony Mabesa, entertainment host Butch Francisco, aktres na si Gladys Reyes at si Direk Mel Chionglo. - FRJ, GMA News