WATCH: Janine Gutierrez, batang bersyon ng kaniyang Mamita Pilita
Kung titingnan ang mga larawan ng Asia's Queen of Songs na si Pilita Corrales noong kanyang kabataan, para mong tinitingnan ang mga larawan ngayon ng Kapuso young star na si Janine Gutierrez.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, mistulang pinagbiyak na bunga sina Pilita at Janine sa mga larawan dahil sa kanilang pagkakahawig.
Si Janine ay anak ni Ramon Christopher kay Lotlot de Leon.
Ang kapatid ni Ramon na si Jackie Lou Blanco, agree na talagang magkamukha sina Janine at si Mamita Pilita.
"Sabi ko kay Janine masuwerte ka, when you reach a certain age, Mamita (Pilita) ang hitsura mo. Aba, maganda ka," ani Jackie Lou.
Sabi naman ni Janine, may pagkakahawig din sa kaniyang lola Pilita ang kaniyang ama kaya naging kamukha rin niya ang kaniyang Mamita.
Aliw na aliw nga raw si Janine tuwing tinitingnan niya ang mga photo album ng kanyang lola.
Samantala, busy ngayon si Janine dahil kasama siya sa Sinag-Maynila Film Festival para sa pelikulang "Lila."
Magsisimula na rin siya ng taping para sa primetime soap nila ni Aljur Abrenica na "Once Again," na may kakaiba umanong kuwento. -- FRJ, GMA News