Kim Domingo: 'Hindi porke sexy parang pariwara na'
Bago nakapasok sa showbiz at mabansagang bagong "Pantasya ng Bayan," sumabak muna ang "Bubble Gang" member na si Kim Domingo sa iba pang trabaho tulad ng pagiging car show model.
Sa programang "Tunay Na Buhay" ng GMA 7, ibinahagi ng 21-anyos na si Kim sa host na si Rhea Santos, ang kaniyang kasiyahan sa tinatamasang biyaya ngayon matapos ang pinagdaang hirap sa buhay.
Hindi nasilayan ni Kim ang kaniyang amang Pranses, at lumaki siya sa kaniyang lola.
Para makatulong sa gastusin ng pamilya, pumasok sa pagmomodelo si Kim tulad sa mga car show at napabilang sa mga "money girl" o tagabigay ng premyo sa dating programa ni Willie Revillame.
Ayon kay Kim, malaking tulong ang naturang programa ni Willie dahil lalong dumami ang alok sa kaniyang trabaho sa pagmomodelo.
Pero dahil kailangan niyang magsuot ng maigsing kasuotan para maging sexy bilang car show model, may ibang tao na nagkakaroon ng maling akala sa kanilang mga modelo.
"Ang iba po kasi ang tingin sa car show model mababa," saad ni Kim kay Rhea.
"Iniisip nila, dahil ganun yung outfit namin so puwede na nilang...like, hawakan kami, magpapa-picture aakbay, hawak sa baywang."
Patuloy ni Kim, "Sa kabila ng pananamit ko (na sexy), yung loob ko naman hindi ganun... hindi porke sexy parang pariwara na ganun. Simple lang po talaga ako."
IN PHOTOS: Kim Domingo — the simple girl behind the sexy social media sensation
Bata pa lang daw ay pangarap na niyang mag-artista, at nabigyan ito ng katuparan nang maging bahagi siya ng music video para sa awiting "Huli Ka Balbon," ng grupong P.A.R.D., na ang mga miyembro ay kasama rin sa GMA gag show na "Bubble Gang."
Sa ngayon, mahigit 1.5 milyon na ang views sa naturang MTV sa Youtube.
Pero bago nito, naging social media darling si Kim dahil sa dami ng views ng mga video na inilalagay niya sa kaniyang Instagram account. At dahil din dito, kahit hindi pa siya artista, ginawa na siyang cover photo ng FHM Philippines.
READ: Sexy Kapuso artist Kim Domingo's Facebook page reaches 1M likes
Ngayon, binansagan siyang bagong "Pantasya ng Bayan," titulong hawak noon ng sexy actress na si Joyce Jimenez.
"Happy!," natatawang tugon ni Kim nang tanungin kung ano ang feeling niya sa bansag na "Pantasya ng Bayan."
"Kasi yung una si Joyce Jimenez. Ang tagal yata bago nasundan yung binansagan na ganun. So happy po ako," saad niya.
Sa sumunod na tanong ni Rhea kung okey lang ba sa kaniyang pagpantasyahan, natatawang tugon ni Kim, "Walang problema, nasa kanila na 'yon."
Pero kahit nalilinya sa comedy at pagiging sexy, sinabi ni Kim na pangarap niyang mabigyan siya ng pagkakataon na magkapag-drama at magkaroon ng sariling teleserye.
"Sana mabigyan din ako ng break talaga na sarili ko na talagang teleserye. Gusto ko kasi drama talaga," pahayag niya.
Nang tanungin kung ano ang tunay na buhay ni Kim, sagot ng dalaga, "Mag-antay nang tamang panahon, 'wag magmadali. Basta may sipag at tiyaga, makukuha mo, walang imposible."
IN PHOTOS: Kim Domingo, kagandahang noon at ngayon
Hindi na rin niya napigilang maiyak dahil na rin sa tuwa bunga ng tinatamasang mga biyaya matapos ang pinagdaanang hirap sa buhay.
"Hindi ko ini-expect, sobrang saya ko. Kasi pangarap ko lang siya tapos ngayon eto na 'ko. Nag-antay ako nang tamang panahon, hindi ako nagmadali. Kahit naging mahirap yung buhay namin dati, pinagtiisan ko talaga siya," ayon kay Kim. -- FRJimenez, GMA News