Kasikatan ni 'Carrot Man,' nakatulong para makita ang nawawalang binatang may autism
Hindi man sinasadya, nakatulong ang kasikatan sa social media ni Jeyrick Sigmaton aka "Carrot Man," upang maibalik sa kanyang pamilya ang isang binatang may autism na may pagkakahawig sa kanya.
Sa Sabado, mapapanood sa Magpakailanman ang buhay ni Tyson Destor, ang binatang may autism na nawalay sa kanyang mga kaanak at naglakad mula sa kanilang bahay sa Pampanga at nakarating sa Nueva Ecija.
Nang maging viral ang larawan ni Jeyrick habang bitbit ang kaing na may lamang carrot, nag-post ang netizens ng iba pang larawan ng mga kahawig ni Jeyrick, at iba pang lalaki na nagbubuhat ng kanilang produkto.
Isa sa mga larawan na kumalat sa social na sinasabing kahawig ni Jeyrick ang larawan ni Tyson, na naging daan para matukoy ng kaniyang mga naghahanap na kaanak kung nasaan siya.
Gagampanan sa Magpakailanman ni Starstruck 6 Avenger Elyson de Dios ang role bilang si Tyson, habang si Angel Aquino ang gaganap bilang naghahanap niyang ina.
Ayon kay Elyson, very challenging ang role at pinag-aralan niya ang kalagayan ni Tyson bilang may autism.
Hangad naman si Angel na maging daan ang kanilang episode sa Magpakailanman para mas mabigyan ng pansin ang mga batang may espesyal na pangangailangan. -- FRJ, GMA News