Maine Mendoza, pinagkaguluhan sa 12th USTv Awards
Todo ang hiyawan ng mga "Thomasian" nang dumating si Maine Mendoza sa awards night ng 12th USTv Students Choice Awards ng University of Sto. Tomas nitong Huwebes.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras, sinabing pinagkaguluhan ng mga estudyante ng UST si Maine nang dumating kasama ang mga lola niya sa kalyeserye ng "Eat Bulaga" na sina Wally Bayola at Jose Manalo.
Tinanggap ni Maine ang Special Citation for Social Media Phenomenon, na pagkilala sa tambalan nila ni Alden Richards dahil sa pagbibigay inspirasyon at aral sa mga kabataan.
Nakuha naman ng programang "Eat Bulaga" ang Students' Choice of Variety Show.
Labis ang pasasalamat nina Maine, Wally at Jose sa natanggap na pagkilala mula sa mga mag-aaral ng UST.
Samantala, itinanghal na Students' Choice of Public Affairs Program ang "i-Witness," habang ang "i-Bilib," kinilala bilang Students' Choice of Youth Oriented Program.
Mismong si Chris Tiu, na host ng "i-Bilib" ang tumanggap sa award.
Ipinagkaloob naman ang Students' Choice of Social Media Campaign for Socio-Political Development para sa "Dapat Tama" campaign ng GMA News and Public Affairs.
Ang GMA News TV ang nagwaging Student Leaders' Choice of TV Network for News and Public Affairs, at Student Leader's Choice of TV Program naman ang "State of the Nation with Jessica Soho."
Nakuha naman ng "Reel Time" ang pagkilala bilang Students' Choice of Documentary Special. -- FRJ, GMA News