‘Encantadia’ stars to undergo training with ‘Power Rangers’ actor, stunt director
Lalong inaabangan ng mga manonood ang upcoming remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” na inaasahang ipalalabas ngayong taon, dahil nag-level up na ang paggawa nito mula sa orihinal na teleseryeng ipinalabas noong 2005.
Dahil sa mga makabagong teknolohiya, lalong titindi ang special effects para sa nasabing programa, at kaabang-abang rin ang mga costume at props na gagamitin.
Ayon sa direktor na si Mark Reyes sa “24 Oras” nitong Martes, “Ang dami nang advancements pagdating sa special effects, pati sa paggawa ng props, 3D printing na ngayon. Ang dami naming bagong creatures, maraming bagong characters, maraming plotlines na magugulat na lang kayo.”
Bukod dito, level up rin ang fight scenes na mapapanood sa “Encantadia” dahil kabilang sa mga stunt choreographers and sikat na Hollywood stunt director na si Sonny Sison.
Kabilang si Sonny sa mga bumuo ng blockbuster films na “Olympus Has Fallen” at “Hangover 3,” pati na ang mga television series na “Buffy the Vampire Slayer” at “Hawaii Five-0.”
Isa rin siya sa mga gumanap bilang “Power Rangers.”
“Maiaangat ko 'yung level ng sampung beses doon sa feeling ko na ginawa namin siya eleven years ago," ayon sa Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes, na isa sa mga unang sumabak sa shooting para sa “Encantadia.”
Gagampanan ng Kapuso actor ang karakter ni Raquim, na ginampanan noon ng batikang aktor na si Richard Gomez.
Bukod kay Dingdong, bibida rin sa upcoming Kapuso fantasy series sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, Glaiza de Castro, Gabbi, Garcia, Sanya Lopez, John Arcilla, Rocco Nacino, at Pancho Magno, at marami pang iba. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News