Tinig ng ilang Kapuso star, nagbigay-buhay sa mga karakter ng 'Alamat'
Alamin kung sinu-sino ang mga Kapuso star na nagpahiram ng kanilang tinig upang mabigyan ng buhay ang mga karakter sa mas pinagandang animated anthology series na, "Alamat."
Sa ulat ng GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng Kapuso hunk na si Benjamin Alves na mas magiging extra special ang bagong season ng "Alamat" dahil sa pinagsamang live action at animation.
Ilan sa mga Kapuso star na magbibigay-buhay sa mga cartoon character sa "Alamat" ay sina Bianca Umali, LJ Reyes, Leo Martinez, John Feir, Migz Cuaderno, Rafa Siguion-Reyna, Tonipet Gaba, Love Añover, RJ Padilla at iba pa.
Hindi lang umano ang mga bata ang mag-e-enjoy sa animated series dahil maghahatid din ito ng kilig sa mga kuwentong love story.
Isa na rito ang kuwento na pagbibidahan nina Benjamin at kapareha niya si LJ na gaganap bilang si "Juana."
Mayroon ding action, drama, comedy at song numbers ang bagong season ng "Alamat."
Mapapanood na ang "Alamat" simula sa May 15, Linggo, sa ganap na 5:15 p.m. -- FRJ, GMA News