Ariella Arida overjoyed by new work as 'Wowowin' co-host
Inilunsad na nitong Lunes bilang pinakabagong co-host ng batikang TV personality na si Willie Revillame sa Philippine afternoon game-variety show na “Wowowin” ang Miss Universe 2013 third runner-up na si Ariella Arida.
Labis ang pasasalamat ng Filipina beauty queen sa oportunidad na ibinigay sa kaniya ni Willie at ng GMA Network.
“Bago ang lahat, nagpapasalamat ako ng taos puso, as in. Syempre wala ako sa harap ninyo pong lahat kung hindi dahil sa ating napakabuting host at napakagwapong host. Wil, thank you so much sa tiwalang binigay mo sa akin, Sobrang laking oportunidad ‘yung binigay mo sa akin,” ani Ariella sa episode ng nasabing Kapuso game show nitong Lunes.
“Sa lahat po ng management, ng staff po ng Wowowin, maraming maraming salamat. Of course, sa GMA management, maraming salamat Kapuso,” dagdag niya.
Naging mainit rin ang pagtanggap ng mga manonood kay Ariella, kaya naman nag-trend sa Twitter nitong Lunes ang official hashtag ng programa na #WowowinFiesta.
Mensahe ni Ariella sa mga manonood, “Thank you po sa inyong lahat. Sobrang excited na ako na makasama kayo araw-araw, at alam ko na excited din sila, hindi lang ako dahil balita ko kasi sobrang bongga ng Wowowin ngayon. Ito ‘yung show na talagang tumatak sa puso ng bawat Pilipino.”
Waaahhh thank you so much. I'm so happy to be part of Wowowin! Thanks Wil & GMA for this opportunity! Patuloy ang saya sa #WowowinFiesta ??
— Ariella Arida (@araarida) May 16, 2016
Nagpapasalamat rin si Willie sa mga tagasubaybay ng “Wowowin” para sa kanilang patuloy na pagmamahal sa programa.
Matatandaang dalawang linggong nawala sa ere ang programa upang magbigay-daan sa mga pagbabagong gagawin dito, tulad ng mas malaking set, mas makulay na segments, at mas masayang mga palaro.
“Actually, araw-araw magpapasaya ‘yan. Ang sarap lang ng feeling kanina. Hindi ko naman ine-expect na ganun ‘yung pagsalubong sa’yo sa pagbabalik mo. Lalo kang gaganahan, lalo kang ma-i-inspire sa mga taong ‘to,” aniya sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes. —ALG, GMA News