Heart Evangelista, may pangalan na sa kanilang magiging first baby ni Escudero
Matapos ang halalan, nagbakasyon sa Balesin kamakailan ang mag-asawang Heart Evangelista at Sen. Chiz Escudero, kasama ang kanilang mga kaibigan at kaanak para makapagpahinga.
Pagbalik sa Maynila, balik-trabaho kaagad si Heart para sa taping ng kaniyang bagong GMA Primetime series na “Juan Happy Love Story,” kung saan kasama niya si Dennis Trillo.
Puno man ang kaniyang schedule dahil sa pinagbibidahang naughty romantic comedy series, hindi pa rin daw isinasantabi ni Heart ang kaniyang paghahanda para sa pagkakaroon nila ng anak ni Chiz.
Sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng Kapust actress na nagsisimula na siyang maging aktibo muli sa pag-e-ehersisyo bilang paghahanda sa kaniyang pagbubuntis.
“Ang pagbubuntis sa akin, parang isang malaking project. I'm starting to swim, bike, and run again, and really just preparing my body for my baby,” kuwento ng aktres.
Kung makakapili raw siya, nais niyang lalaki ang maging panganak na anak nila ni Chiz.
“Puro kami babae, isa lang ang lalaking kapatid ko. So gusto ko talaga ng boy," ayon kay Heart.
Dagdag pa niya, "Definitely, kung boy, ine-name ko siyang Francis, Jr. after Chiz,”
Mapapanood ang “Juan Happy Love Story” gabi-gabi sa GMA Primetime. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News