Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Herras, balik-trabaho na makaraang masangkot sa car accident


Muling magkakasama-sama sa upcoming Kapuso afternoon series ang Starstruck Season 1 batchmates na sina Yasmien Kurdi, Katrina Halili at si Mark Herras, na mabuti na ang kalagayan matapos nasangkot sa isang aksidente noong nakaraang linggo.

Sa "Chika Minute" report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Mark na okey na ang kaniyang kalagayan at balik-trabaho na siya matapos masangkot sa isang car accident sa Quezon City.

"I'm super okey wala naman ako sobrang injury, mayroon akong mga sugat na konti lang.  Pero ang mahalaga okey na ako and nakakapagtrabaho na ako ulit," anang aktor.

Nakatulong daw sa kaniyang speedy recovery ang pag-aalaga sa kanya ng girlfriend na si Wynwin Marquez.

Very open na ngayon sa kanilang relasyon at hindi itinatago ni Mark ang pagmamahal niya sa dalaga.

"Yung mga pino-post ko and niya, at least nakikita ng tao and I'm very proud to say na mahal ko siya. So, we're gonna keep it that way," ayon pa kay Mark.

Nag-pictorial na si Mark para sa upcoming afternoon prime series na may working title na "Womb For Hire," kung saan makakasama niya ang mga ka-batch sa Starstruck Season 1 na sina Yasmien Kurdi at Katrina Halili.

Love triangle ang istorya ng serye at gagampanan ni Yasmien ang papel ng isang surrogate mother, habang balik-kontrabida role naman si Katrina.

Minsan nang nakatrabaho ni Yasmien si Mark sa Rhodora X, habang si Katrina ay ngayon niya lang ulit makaka-eksena.

"Si Katrina matagal ko nang hindi nakatrabaho," ani Yasmien. "Ini-expect ko na actually yung mga sampal at sabunot niya."

Natatawa namang sambit ni Katrina, "First time ko pa lang siyang gugulpuhin nagbabasa ako ng script kanina sabi ko, 'ano ba 'to kawawa naman si Yasmien puro sampal at hindi gumaganti." -- FRJ, GMA News