Duterte aliw kay Jose Manalo bilang ‘Rodney Juterte’
Maraming naaliw sa paggaya ni Jose Manalo kay incoming president Rodrigo Duterte.
Sa ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras Weekend ng GMA News, nakitang tumatawa si Duterte habang pinapanood ang video ng segment sa Sunday Pinasaya kung saan gumanap ang komedyante bilang si "Rodney Juterte".
"Jose, I enjoyed the show," ani Duterte, subalit 'di niya napigilan na bigyan ng payo si Manalo upang maging mas makatotohanan pa ang kaniyang paggaya.
Malimit makita si Duterte na nakahawak sa kaniyang kanang pisngi at sa panayam ng 24 Oras, kaniyang ibinahagi na may dahilan pala ang kaniyang nagiging signature pose at may tamang posisyon din ito.
"Ilayo mo lang nang konti," payo ni Duterte kay Manalo "Kasi the reason why I am placing my hand over my right cheek is that I am pressing a nerve there below the ear, kasi 'yung nadisgrasya ako sa motor. To lessen the pain, dinidiin ko 'yan."
Ayon na man kay Manalo, natutuwa siyang napasaya niya si Duterte sa kaniyang impersonation, pero mayroon din siyang sariling inaalala sa kaniyang paghawak sa kaniyang pisngi.
"Ayoko pong masira 'yung karakter ninyo, kasi tinatakpan ko po ('yung cheeks ko), kasi mas makinis po 'yung mukha niyo kaysa sa akin." ani Manalo.
Nitong Linggo lang ay muling nabigay aliw ang komedyante sa isang segment na pinamagatang "Fast Talk" kung saan sinamahan pa siya ng impersonator na si Simpleni.
— APG, GMA News