ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jaclyn Jose, ginawa ang 'Ma'Rosa' para sa anak na si Andi Eigenmann


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malaking karangalan ang ibinigay ng batikang aktres at "The Millionaire's Wife" star na si Jaclyn Jose sa Pilipinas nang magwagi siya bilang Best Actress sa nagdaang 69th Cannes International Film Festival para sa kaniyang pagganap sa pelikulang "Ma'Rosa."

Ipinagdiwang ng buong bansa ang kaniyang pagkapanalo, ngunit mayroon pang ibang nasa isip ang Kapuso actress kasabay ng kaniyang pagkapanalo.

Pag-amin niya, bukod sa pagkakaibigan nila ng direktor na si Brillante Mendoza, ang anak niyang si Andi Eigenmann ang dahilan kung bakit niya ginawa ang pelikulang naging daan sa kaniyang international award.

Kabilang si Andi sa cast ng pelikula at kasama rin sina Felix Roco, Jomari Angeles, Julio Diaz, Neil Sese, at marami pang iba.

Kuwento niya sa isang press conference nitong Martes, nais niya lang daw maranasan ng kaniyang anak ang maging bahagi ng prestihiyosong international film festival, na dinaluhan niya na noong 2008.

“Nagma-'Marimar' ako noon, tapos sabi ni Andi, ‘Ma, tanggapin mo na. Para kung sakali, makapag-abroad naman ako at ma-experience ko ang na-experience mo before.’ Kaya sabi ko, ‘Sige, gagawin ko for you,'" aniya.

Dagdag pa ni Jaclyn, "I did this for Andi. Dahil din sa kaniya kaya ako pumunta sa Cannes. Hindi ko naman alam na mananalo. Nakapag-red carpet naman na ako before. Basically, it’s really for Andi.”

Kasama ni Jaclyn sina Andi at Brillante sa entablado nang emosyonal niyang tanggapin ang parangal mula sa Cannes.

"Second time ko na sa Cannes, but first nomination. The feeling of having your daughter beside you when you win a prestigious award is such a wonderful feeling. ‘Yon siguro ang overwhelming sa akin sa stage, na I’m with Andi,” pahayag ng aktres.

 

 

#Redcarpet Cérémonie de Clôture / Awards Ceremony #Cannes2016 Andi Eigenmann , Brillante Mendoza & Jaclyn Jose© AC POUJOULAT / AFP

A photo posted by Festival de Cannes (@festivaldecannes) on

 

Sa panayam ng "24 Oras" sa aktres nitong Martes, sinabi ni Jaclyn na mas naging espesyal ang kaniyang pagkapanalo dahil kasama niya ang anak.

Saad niya, "Nakapunta na ako noon ng Cannes pero hindi ako ang nominated, ‘yung movie lang. Naka-red carpet na rin ako. This time, ang maganda is I’m side by side with my daughter. ‘Yun lang naman ang mahalaga. Sabi ko, ‘Okay na ito.’" "

"And never in my wildest dreams did I see na mananalo ako," pag-amin niya.

Nakatakdang bumida ngayon si Jaclyn sa inaabangang Kapuso sexy comedy series na "A1 Ko Sa'yo," at kasama niya rito sina Gardo Verzosa, Solenn Heussaff, Denise Barbacena, Ben Alves, Ervic Vijandre, at marami pang iba.

Mapapanood sa GMA Primetime block ang nasabing programa tuwing Huwebes, simula ngayong darating na June 2. -- FRJ, GMA News