ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jessica Soho gets candid with Marian Rivera in 'Yan Ang Morning'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bumisita sa Kapuso morning talk show na “Yan Ang Morning” ang batikang mamamahayag na si Jessica Soho upang ibahagi ang kaniyang mga karanasan bilang isa sa mga hinahangaang mamamahayag sa bansa.

Ayon sa “Kapuso Mo Jessica Soho” host, hilig niyang pumunta sa mga palengke at maliliit na tindahan dahil marami siyang kuwentong mapupulot doon na hindi niya matatagpuan sa ibang lugar.

Bago pa man maging host, nakilala sa mga mapanganib na coverage ang batikang broadcast journalist.

Isa sa mga hindi makalilimutang coverage ni Jessica ay ang nangyaring pagsabog ng land mine sa Afghanistan na hindi kalayuan sa kinatatayuan niya.

Ayon kay Jessica, hindi niya na iniisip ang takot tuwing kinakailangan siyang magtungo sa isang mapanganib na lugar para sa isang istorya.

Gayunpaman, mas nag-aalala siya sa kaniyang mga kasamahan at sa pamilyang kaniyang iniiwan.

“Ito ang bokasyon ko sa buhay. Alam ko ang trabaho ng journalist, talagang kapatid 'yan ng peligro. Laging nasa bingit ng kamatayan ang buhay namin. Natatakot ako sa para sa mga kasama ko—yung mga cameraman ko, yung crew,” paliwanag niya.

Dagdag pa ng mamamahayag, “For my family rin. Sa daddy ko, hindi ako nagpapaalam kapag umaalis ako kasi ninenerbiyos siya. Noong nandiyan ako sa Afghanistan, wala siyang kamalay-malay na nasa Afghanistan ako. Kapag sinabi mo kasi, magwo-worry talaga sila.”

Sa loob ng humigit-kumulang 25 taon niya sa pagbabalita, tumanggap na si Jessica ng iba't ibang parangal mula sa award-giving bodies sa loob at labas ng bansa dahil sa kaniyang dedikasyon sa trabaho.

Ilan lamang dito ang New York Film Festival, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, Asia Pacific Broadcasting Union, George Foster Peabody Award, British Fleet Journalism Award, at marami pang iba.

-- FRJ, GMA News