Rochelle Pangilinan, ipinasilip ang paghahanda para sa 'Encantadia'
Kabilang ang Kapuso actress at performer na si Rochelle Pangilinan sa mga bibida sa inaabangang retelling at sequel ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” na nakatakdang ipalabas ngayong taon.
Gaganap si Rochelle bilang Agane, ang kanang-kamay ng pinuno ng Hathoria na si Hagorn, na gagampanan naman ni John Arcilla.
Ayon sa “Wish I May” star, kasama sa paghahandang ginagawa niya ang pagwo-workout at tamang pagkain upang mapanatili ang kaniyang magandang pangangatawan.
Tulad ng mga Sang'gre—na bibigyang-buhay nina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, at Glaiza de Castro, kakaiba at sexy rin ang costume na gagamitin ni Rochelle sa inaabangang remake ng “Encantadia.”
Bukod sa running at swimming, intense full-body at core workouts rin ang pinagdaraanan ng Kapuso actress sa gym.
Kasama rin sa “Encantadia” ngayong 2016 sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Pancho Magno, Mikee Quintos, Migo Adacer, Solenn Heussaff, Klea Pineda, Enzo Pineda, Christian Bautista, at marami pang iba. -- FRJ, GMA News