ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vina Morales, hiniling sa korte na kanselahin ang visitation rights ni Cedric Lee sa kanilang anak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ngayong linggo lamang, naghain ng reklamo ang singer-actress na si Vina Morales laban sa kaniyang dating karelasyon at negosyanteng si Cedric Lee kaugnay sa sapilitang pagtangay umano nito sa kanilang anak.

Nagbabakasyon si Vina sa Geneva, Switzerland nang ilabas ni Cedric ang kanilang anak at hindi umano iniuwi sa loob ng siyam na araw—bagay na labag sa kanilang napagkasunduan sa korte.

Dahil sa insidenteng ito, nagtungo sa korte si Vina ngayong Miyerkules upang hilingin na kanselahin na visitation rights ni Cedric sa kanilang anak, ayon sa ulat ng GMA News.

Bukod diyan, hiniling din ng singer-actress na isailalim sa psychological test at treatment ang kanilang anak dahil umano sa trauma na sinapit nito.

Naibalik lamang ang bata sa kaniyang  kaanak noong May 23 nang magharap sila sa korte. Dito, sinabi ni Vina na patuloy umano siyang binu-bully, hina-harass at tinatakot ng dating karelasyon mula pa noong 2013.

Matatandaang nagsampa ng joint custody case si Cedric noong 2013 kaya siya napahintulutang magkaroon ng karapatang bisitahin ang bata sa ilalim ng kasunduan nila ni Vina sa korte.

Mariin nang pinabulaanan ni Cedric ang alegasyon ni Vina sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Ricardo Moreno.

Hindi raw totoong binu-bully, hina-harass, at tinatakot ang dating karelasyon sa loob ng halos tatlong taon, at may mga larawan din daw siyang magpapatunay na hindi na-trauma ang bata at nag-enjoy pa sa kanilang bonding habang nagbabakasyon sa isang farm.

“My daughter is not aware of the court case we have. This may have traumatized her as she did not know what was going on,” ayon kay Cedric sa panayam ng Pep.ph nitong Martes.

Dagdag pa niya, “I have never bullied Vina and have gone through the right avenue. I believe my child has a right to have both and her father and mother in her life. I did not say anything in media when I was not able to see my daughter for a year. This has gotten out of hand and I sure hope that we can both iron out differences in the near future.”

Balak ni Cedric na magsampa ng kasong contempt laban kay Vina dahil ang aktres umano ang hindi sumunod sa utos ng korte kaugnay sa kaniyang visitation rights. Aniya, ilang linggo na raw ipinagkait ni Vina sa kaniya ang kanilang anak.

Samantala, sinabi naman ni Judge Cesar Sulit ng San Juan Regional Trial Court nitong Miyerkules na hindi niya kailanman pinahintulutan na mamalagi ang bata sa poder ng kaniyang ama sa loob ng siyam na araw.

Nagpataw siya ng P6,000 multa para sa paglabag ng negosyante sa napagkasunduang visitation rights.

Ayon kay Vina sa naunang pahayag, “Kung noon hindi ako lumalaban at tahimik ako, ito ay dahil iniisip ko ang anak ko—tatay pa rin siya ng anak ko at ayaw kong mag-comment. Pero ngayon, handa na akong lumaban para sa anak ko. May hangganan din ang pambu-bully niya sa akin at sa pamilya ko.” -- FRJ, GMA News