Kim Domingo, pangarap na makarampa sa FHM Victory Party
Labis ang pasasalamat ng Kapuso Pantasya ng Bayan na si Kim Domingo sa mga biyayang natatanggap niya tulad ng pagkakasama niya sa sinusubaybayang primetime series na "Juan Happy Love Story."
Nitong Miyerkules, napanood na ang karakter ni Kim na si Agatha, na magiging tukso kay Juan na ginagampanan ni Dennis; at magiging dahilan ng pagseselos ni Happy na ginagampanan naman ni Heart Evengelista.
Sunud-sunod pa ang ibang proyekto ni Kim gaya ng pagiging guest co-host niya sa "Wowowin" ni Willie Revillame.
Ngayong taon, pasok si Kim sa listahan ng mga kandidata sa taunang sexiest women ng FHM Philippines.
Pag-amin ni Kim, pangarap talaga niyang makarampa sa taunang victory party ng naturang babasahin.
"Hindi na ako naghahangad ng topspot basta makapasok lang ako," aniya. "Dream ko before makarampa ako sa FHM 100 sexiest so excited ako."
Sa ngayon, nasa top 10 si Kim kasama ang iba pang Kasuso star kabilang ang hot mom na si Jennylyn Mercado.
Tipo ng lalaki
Ngayong single siya, itinanong kay Kim kung ano nga ba ang katangian ng lalaki na kaniyang hinahanap.
"God fearing, mabait saka yung kahit kayo na, araw-araw kang liligawan," ayon kay Kim.
Dagdag pa niya, "hindi nagbabago, sweet that is important." -- FRJ, GMA News