Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vangie Labalan, Cacai Bautista dedicate 'Conan My Beautician' to Orlando shooting victims, Filipino families


Mapapanood na ngayong Linggo, Hunyo 26, ang pinakabagong Kapuso comedy series na “Conan My Beautician,” kung saan magpapanggap bilang isang gay beautician ang aktor na si Mark Herras upang matulungan ang kaniyang pamilya sa probinsya.

Bukod sa katatawanan, isang makabuluhang mensahe rin daw ang nais iparating ng mga bumubuo ng programa, ayon sa batikang aktres na si Vangie Labalan.

Aniya, nais raw nilang ihandog ang kuwentong ito sa mga miyembro ng LGBT community, lalung-lalo na sa mga naging biktima ng Orlando shooting, na pumatay ng 49 katao sa isang kilalang gay night club.

“Napapanahon ang ating comedy show dahil, pagkatapos mamatay ang 49 katao sa Orlando, parang in a very subtle manner, we are going to study 'yung kalagayan ng third sex. I think, ito 'yung hindi mababasa agad-agad, o hindi kailangan isaksak sa isip ng mga manonood,” ayon kay Vangie.

Dagdag pa niya, “Mapapanood rin ito ng mga bata, and I hope, in a very subtle manner, mapaunawa natin sa kanila ang isa sa major issues sa society ngayon. Hindi kailangang sabihin, depende sa flow ng istorya, but we will learn to understand this very major issue.”

<iframe width="560" height="315" src="https://www.youtube.com/embed/D9ygGLeGsfY" frameborder="0" allowfullscreen></iframe>


Bukod sa kuwento ng LGBT community, makikita rin daw sa “Conan My Beautician” ang pagmamahalan ng pamilyang Pilipino.

Kasabay rin ng katatawanan ang iba't ibang aral na mapupulot tungkol sa buhay at pag-ibig.

Ayon sa komedyanteng si Cacai Bautista, “Ang dami nang negative sa mundo, puro hate, patayan. Puwede naman siguro tayong masaya sa araw ng Linggo kasi family day, minsan lang magsama-sama?”

“Maganda itong 'Conan' dahil ipapakita talaga kung ano ang pamilyang Pinoy. Kahit may problema, nakukuha pa rin nating tumawa. At alam niyo naman, ang utak ng mga Pinoy kapag gumagawa ng paraan, baliw talaga. Ipapakita dito kung gaano natin kamahal ang pamilya natin at kung ano ang kaya nating gawin para sa kanila,” pagtatapos niya.

Kabilang sina Vangie at Cacai sa mga bibida sa upcoming Kapuso comedy series na “Conan My Beautician” na ipapalabas na ngayong Linggo, June 26, kasama sina Mark Herras, Megan Young, Lotlot de Leon, Jay Manalo, Jerald Napoles, Betong Sumaya, Boopsie, Tetay, Chlaui Malayao, Balang, at marami pang iba. — APG, GMA News