Bing Loyzaga, aminadong napabayaan ang sarili noon kaya bumigat ang timbang
Hindi itinanggi ng aktres na si Bing Loyzaga na marami siyang pinagdaanan nitong nagdaang mga panahon kaya napabayaan niya ang kalusugan at katawan. Pero ngayon, bumabawi na ang aktres at 40 pounds na raw ang nabawas sa kanyang timbang.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabing kabilang ang pagpanaw ng kaniyang amang si Carlos Loyza sa mga nakaapekto kay Bing.
Personal daw ang ginawang pag-aalaga ni Bing sa ama noong may sakit pa ito kaya hindi na niya naasikaso ang sarili.
Bukod pa ito sa sarili niyang sakit na hypothyroidism, na dahilan ng pagbigat nang husto ng kanyang timbang na nakaapekto na sa kanyang self-esteem at sa maging sa trabaho.
Sa pamamagitan ng tamang diet, weight treatment at pagbalanse ng kanyang hormones para sa kanyang sakit, unti-unti niyang napababa ang kaniyang timbang.
Ngayon, mahigit 40 pounds na raw ang nabawasan niya sa katawan. At sa harap nito, hindi raw ikinakahiya ni Bing ang kaniyang larawan na nagpapakita ng dati niyang sarili na may malaking pangangatawan.
"I'm not ashamed of her at all because she went through a lot," saad ng naiiyak na si Bing.
Masaya raw ngayon si Bing sa piling ng kanyang dalawang dalagang anak at sa 25 taon nang pagsasama nila ng mister na si Janno Gibbs. -- FRJ, GMA News