Why 'Ultimate Star' Jennylyn Mercado signed new deal with GMA Network
Matapos ang higit sa sampung taon niya sa showbiz, hindi maikakailang labis na ang tagumpay na natatamasa ng Kapuso actress na si Jennylyn Mercado—mula sa kaniyang pagkapanalo sa reality talent search na “Starstruck,” hanggang sa mga hit teleserye, chart-topping albums, blockbuster films, at back-to-back Best Actress win sa Metro Manila Film Festival.
Nitong Lunes, muling pumirma ng kontrata sa GMA Network ang tinaguriang Ultimate Star, hudyat ng mas marami pang proyekto para sa kaniya sa hinaharap.
Ayon kay Jennylyn sa panayam ng GMA News, “I feel so blessed, and wala naman akong planong mag-stay sa iba. This is my home. GMA is my home.”
“Lagi kong sinasabi na dito 'yung comfort zone ko. Ang bait ng mga boss natin, masarap katrabaho ang mga artist. Sa tingin ko, hindi na ito mapapantayan ng kahit ano. Sa lahat ng ginagawa ko, sa lahat ng binibigay na proyekto, masaya ako kasi komportable ako na katrabaho silang lahat. Para ka lang nasa bahay na kasama ang pamilya mo. Ganoon ang pakiramdam,” dagdag pa niya.
Kasabay ng pagpapatuloy ng kaniyang cooking show na “Sarap with Family,” pinaghahandaan na rin ng aktres ang isang bagong teleserye, isang pelikula mula sa GMA Films, at isang reality-based singing competition kung saan magsisilbi siyang host.
Hindi man maikakaila ang kaniyang tagumpay sa industriya, hindi raw inasahan ni Jennylyn na mabibigyan siya ng titulo, tulad na lamang ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera na binansagang Kapuso Primetime King and Queen.
Aniya, “Hindi ko ine-expect na magkakaroon ako ng title. I'm humbled and grateful. Sa totoo lang, medyo hindi ako komportable na tinatawag ako ng anomang title. Pero, maraming salamat na napili ito para sa akin. May kaunting pressure rin dahil kailangan rin na ma-meet ang expectations ng mga tao. Masarap sa pakiramdam.”
Gayunpaman, hindi raw itinuturing ni Jennylyn na ka-kompitensya ang sinomang nakakatrabaho o nakakasama niya sa industriya.
“Walang kompetisyon. Isa 'yun sa mga ipinagmamalaki ko bilang Kapuso. Never kaming nagkaroon ng competition dito. Backstage, nagtutulungan, nagkukuwentuhan. Wala akong nararamdamang competition,” paliwanag ng aktres.
Dagdag pa ng Ultimate Star, “Basta nagagawa namin ng mabuti 'yun trabaho namin at masaya 'yung mga tao. Para sa kanila naman 'yun. Tayo-tayo rin ang nanonood ng mga ginagawa namin. Importante, natutuwa sila.” —JST, GMA News