Filtered By: Showbiz
Showbiz

Donita Nose,  sinasaktan noon ng ama dahil sa pagiging bading niya


Sa programang "Tunay Na Buhay," inilahad ng "Wowowin" host na si Donita Rose na hindi naging madali ang kaniyang kabataan dahil hindi kaagad natanggap ng kaniyang pamilya ang kaniyang pagiging bading.

Sa panayam ni Reah Santos, ikinuwento ni Donita (Rodello Solano sa tunay na buhay), na bata pa lang ay natuto na siyang magtrabaho para makatulong sa kaniyang pamilya.

Pang-apat sa anim na magkakapatid si Donita na tubong Makati.

Dating overseas worker ang kaniyang ama at housewife naman ang ina.

Nasa elementarya pa lang nang matuto daw si Donita na magtinda ng kung anu-ano gaya ng plastik at saging upang makatulong sa pamilya nang magkasakit na ang kanilang ama.

Bata pa lang daw ay bading na umano siya, na hindi kaagad natanggap ng kaniyang pamilya. Nabu-bully umano siya ng kaniyang mga kapatid at nakatikim ng pananakit mula sa kaniyang ama.

“Siguro ayaw niya, madalas akong masaktan. ‘Pag hinampas niya ako, ang target niya ulo, talagang hindi ka niya tatantanan,” balik-tanaw niya sa naranasan noong sa kaniyang ama.

Patuloy ni Donita, “Mga kapatid ko dati binu-bully ako, pinag-iinitan, pinagti-tripan [ako], iiyak tapos tatakbo sa mama ko.”

Upang mailayo sa ama, nagpasya ang kaniyang ina na dalhin siya sa Iligan City sa kaniyang tiyuhin at doon niya ipinagpatuloy ang pag-aaral.

Dahil sa malayo sa pamilya, nakaramdam siya ng matinding lungkot.

“Mas kinaya ko pang saktan na lang ako ng pamilya ko kaysa doon [na mawalay],” aniya.

Pagkaraan ng apat na taon at nang makatapos ng high school, bumalik ng Maynila si Donita at muling nakasama ang pamilya.

Dito ay naramdaman daw niya na tila natanggap na ng kaniyang ama ang pagkatao niya.

"Pagdating ko umiyak siya. Siguro baka na-miss niya rin ako," ani Donita na itinuturing senyales na iyon ng kanilang reconciliation na mag-ama.

Pero hindi pa umano umaabot ng isang buwan muna nang umuwi siya, pumanaw ang kaniyang ama.

Nang tanungin kung ano ang isang bagay na nais niyang sabihin sana sa ama, tugon ni Donita, "Sabihin ko talaga sa kanya, hindi ako nagkamali sa pinili kong buhay na maging isang bading. Kasi ito ako ngayon, kasi kung lalaki ako, malamang hindi ako host ng Wowowin,  hindi ako nakakatulong sa pamilya ko."

"Sana maging proud ka kahit wala ka na,” ayon kay Donita. -- FRJ, GMA News

Tags: donitanose
LOADING CONTENT