'The Mountain' ng 'Game Of Thrones,' paborito ang Pinoy food na sisig, sinigang at iba pa
Mula sa Land of Westeros ng worldwide hit TV series na "Game Of Thrones," mapapasabak naman sa bakbakan sa kaharian ng inaabangang "Encantadia" si Conan Stevens, na kilala rin bilang si Gregor Clegane o "The Mountain."
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing kabilang si Conan sa mga bagong mukha na madaragdag sa pang-world class na telefantasyang "Encantadia" na mapapanood na gabi-gabi simula sa July 18.
Tumanggi muna si Conan na sabihin ang magiging papel niya sa "Encantadia" at kung saan kahiraan siya mapapaanib.
Pero aminado siyang nalilinya siya sa mga kontabida roles gaya ng mala-higante niyang papel na si "The Mountain" o si Gregor Clegane sa "Game Of Thrones."
At kung mabagsik ang hitsura ng 7-footer na si Conan sa "Game Of Thrones," humble at soft spoken naman siya sa tunay na buhay.
Ayon sa dayuhang aktor, nakailang ulit na siyang bumisita sa Pilipinas dahil marami siyang mga kaibigang na mula Los Angeles, California.
Nang tanungin kung ano ang mga pagkaing Pinoy na kaniyang paborito, masaya niyang sagot: "Crispy pata, sisig, sinigang and the hamburgers are easy."
Marami pa raw siyang paboritong pagkaing Pinoy kasama na ang bibingka.
Bagaman nakailang balik na siya sa Pilipinas, aminado si Conan na hindi pa siya nakakarating sa Boracay dahil sa Cebu niya pinupuntahan ang kaniyang mga kaibigan.-- FRJ, GMA News