Amid showbiz success, Rochelle Pangilinan looks back fondly on 'Daisy Siyete' days
Tulad ng maraming manonood, hindi rin daw malilimutan ng Kapuso singer-actress na si Rochelle Pangilinan ang halos pitong taon niyang pagbida sa long-running daily afternoon series na “Daisy Siete” kasama ang iba pang miyembro ng all-girl singing dance group na SexBomb Girls.
Kabilang si Rochelle sa mga bida ng inaabangang remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” na ipapalabas na sa GMA Primetime ngayong darating na Lunes, July 18.
Nagsimulang ipalabas ang “Daisy Siete” noong 2003 at nagtapos noong Hulyo ng taong 2010.
Ayon kay Rochelle, naging pamilya na raw ang turing niya sa mga kagrupo at maging sa crew na bumubuo sa programa.
Hindi raw lingid sa kaalaman niya na maraming Pilipino ang madalas napapa-throwback sa mga episode ng kanilang teleserye kaya maging siya ay nami-miss rin ang pagiging bahagi nito.
“Wala namang hindi makaka-miss doon. Marami rin nagsasabi sa akin na nami-miss nila ang 'Daisy Siete.' Nakasabay na natin 'yun sa paglaki, lalo na 'yung mga ka-henerasyon namin. Siyempre, tuwing tanghali for seven years, nakasanayan na after 'Eat Bulaga,' maririnig mo na 'yung theme song,” aniya sa naganap na grand press conference ng “Encantadia” nitong Miyerkules.
Kamakailan lamang, nagsama-sama ang ilan sa mga miyembro ng SexBomb Girls para sa isang intimate get-together.
kami ang ORIGINAL members ng anong group???
A photo posted by Diofanny paguia-zamora (@jopaypaguiazamora) on
Isa raw sa pinakapaboritong karakter na binigyang-buhay ni Rochelle si Ling-Ling mula sa Season 17 episode na “Ulingling.”
“Parang naglalaro lang kami, kaya masaya. Noong time ng 'Daisy Siete,' hindi pa ako masyadong focused sa pag-arte kasi ang daming trabaho. Hindi rin namin in-expect na sisikat kami bilang grupo. Sanay kami na kami-kami lang,” kuwento ng aktres.
Sa ngayon, tuloy-tuloy raw ang pag-uusap nilang magkakaibigan kahit na iba-iba na sila ng tinatahak na landas.
Bibida rin sa Encantadia sina Gabbi Garcia, Sanya Lopez, at Glaiza de Castro bilang Alena, Danaya, at Pirena.
Kasama rin sa mga magbibigay-buhay sa kuwento sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Solenn Heussaff, at marami pang iba. —JST, GMA News