Rochelle Pangilinan, '200% happy' sa pagiging bahagi ng 'Encantadia' 2016
Kabilang ang dating Sexbomb dancer na si Rochelle Pangilinan sa mga bibida sa inaabangang remake at retelling ng hit fantasy series na “Encantandia,” na ipalalabas na sa GMA Primetime sa darating na Lunes, July 18.
Bibigyang-buhay niya ang karakter na si Agane, isa sa mga matatapang na mandirigma mula sa kaharian ng Hathoria.
Itinuturing ni Rochelle na isang malaking karangalan ang mapabilang sa napakalaking proyekto at pinaghandaan ng buong cast at crew.
“Sobrang proud ako. 200% akong happy na napasama ako sa cast ng 'Encantadia.' Noong nakita ko yung trailer, napatalon ako at natapik ko pa yata si Direk. Ang galing-galing. Nakaka-proud na kaya nating gumawa ng ganoon, tatak-Pilipino. Happy ako na napasama talaga ako,” ayon kay Rochelle sa naganap na Yes! 100 Most Beautiful Stars launch ngayong linggo.
Aminado ang aktres na isa ito sa pinakamahirap na role na naibigay sa kaniya, kaya naman todo rin ang ginagawa niyang paghahanda.
Bukod sa acting workshops, pinaghandaan din umano niya ang fight scenes sa pamamagitan ng martial arts training at pagwo-workout.
“Medyo mas mahirap sa lahat ng role na ibinibigay sa akin. Disiplina talaga ang kailangan. I love Agane. I love Enca. At 'yung 100% na ibinibigay ng staff at crew, kailangan kong tapatan. Kaya buhos talaga 'yung effort na ibinibigay ko rin,” pahayag ni Rochelle.
Nagpapasalamat si Rochelle sa mga nasasabik nang mapanood ang “Encantadia,” pati na ang mga tagahanga ng orihinal na serye na buo rin ang suporta sa gagawin nilang retelling.
Tulad ng lahat ng bumubuo sa programa, umaasa siyang magugustuhan ng mga manonood ang mga bago at mas pinatinding pasabog ng telefantasya.
Sigurado raw ang Kapuso singer-actress na magiging proud ang mga Pilipino sa inihanda nilang serye.
“Sa panahon ngayon, lahat ng tao ay kayang sabihin ang kahit anong gusto nilang sabihin. Ang akin lang, sana maging proud na lang tayo. Huwag tayong maghilahan pababa. Maging proud tayo na tatak-Pilipino, gawang-Pinoy. Maghatakan tayo pataas,” pakiusap ni Rochelle.
Dagdag pa niya, “Mas masarap kung pare-pareho tayong proud na kayang gawin ng mga Pilipino ito. Kung may 'Game of Thrones,' may 'Lord of the Rings,' kaya namang gawin ng mga Pilipino ang 'Encantadia.' Ito ay original. Kaya sana, magtulungan tayo. Tayo-tayo lang din naman ang magtutulungan.”
Bibida sa “Encantadia” sina Gabbi Garcia, Sanya Lopez, at Glaiza de Castro bilang Alena, Danaya, at Pirena.
LOOK: The men of 'Encantadia' 2016
LOOK: The women of 'Encantadia' 2016
Kasama rin sa mga magbibigay-buhay sa kuwento sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Solenn Heussaff, at marami pang iba. --FRJ, GMA News