New chapter ng Kalyeserye: Tunay na pangalan ni Yaya Dub, isiniwalat ni Lola Nidora
Kasabay ng pag-anunsyo ni Lola Nidora na magsisimula na ang bagong kabanata ng kalyeserye ng "Eat Bulaga," isiniwalat ng matanda nitong Sabado ang tunay na pagkatao at pangalan ni Yaya Dub o Divina.
Sa selebrasyon ng unang anibersaryo ng AlDub love team at kalyeserye, isiniwalat ni Lola Nidora na namatay sa panganganak ang ina ni Yaya Dub na si Ursula, na anak ng kanilang kapatid na si Isadora.

Inilihim ni Isadora sa kaniyang mga kapatid ang pagbubuntis at panganganak ng anak niyang si Ursula.
At dahil hindi kayang alagaan ni Isadora ang apo, iniwan niya ito sa pintuan ng bahay ng mga kapatid. Si Nidora ang nakakita sa bata na pinangalanan niyang Divina Ursula Bukbukova Smash.

Pero dahil nalaman ng kanilang dating hardinero na si Dudong na nagkaanak siya sa namayapang si Ursula, sinikap ni Nidora na baguhin ang pagkatao ni Divina at ginawa niyang Yaya Dub para maitago siya sa ama.

Kasabay sa pag-anunsyo ni Lola Nidora sa bagong kabanata ng kalyeserye, ipinakita ni Nidora ang lampin nang una niyang nakita ang sanggol na si Divina na may nakasulat na pangalan na Maine Mendoza, ang tunay niyang pangalan.

Ito ang sagot sa mga katanungan ni Divina kung bakit Maine Mendoza ang pangalan na nakalagay sa poster ng pelikula nila ni Alden Richards na "Imagine You & Me" na palabas ngayon sa mga sinehan at tumatabo sa takilya.
Matapos na pormal na ipakilala ni Nidora kay Alden na Maine ang tunay na pangalan ni Divina, muli niyang pinaalalanan ang dalawa sa kahalagahan ng magmamahalan.

"Huwag paglalaruan ang pag-ibig, dapat ito ay totoo, sigurado kayo at nagmula sa puso ninyo," paalala ni Lola Nidora.
Nagbigay din si Lola Nidora ng "love lock" na may nakaukit na "July 16, 2016," ang araw na nakilala ng dabarkads sina Richard Faulkerson Jr. at Maine Mendoza, para sa bagong kabanata ng kalyeserye.

Namahagi rin si Nidora ng naturang "love lock" sa mga tao sa studio bilang mga saksi.
Ngunit habang nagkakasiyahan ang lahat sa anibersasyo ng AlDub bago matapos ang "Eat Bulaga," may mga naka-maskarang lalaki na tumangay kay Lola Nidora.

Sino kaya ang mga ito at ano ang mangyayari sa matanda? Abangan ang kasagutan sa susunod na linggo sa pagsisimula ng bagong chapter ng kalyeserye. -- FRJ, GMA News