Buboy Villar and girlfriend appear on 'Wowowin'
Nasilayan sa unang pagkakataon ng mga manonood ng "Wowowin" ang American girlfriend ni Buboy Villar na si Angillyn Serrano Gorens. Si Buboy, naging emosyunal sa kaniyang mensahe sa babaeng pinakamamahal.
Kasama si Buboy ng "Encantadia" cast members nang nag-guest sa "Wowowin," at nandoon si Angillyn para sorpresahin at magpakita ng suporta sa kaniyang fiancé.
Mula sa audience, mapansin ni Kuya Willie Revillame si Angillyn na kaniyang kinausap at doon niya nalaman na nobya ito ni Buboy.
Nang tanungin ni Kuya Wil si Buboy kung ano ang mensahe nito kay Angillyn, naluha ang aktor.
Natatawang biro ni Kuya Wil, "Tears of joy. Alam ninyo kung bakit? nakatsamba e."
Pero pag-amin ni Buboy, may pagka-luko-luko siya pero nangako siyang magbabago kapag napasagot si Angillyn.
"Sinabi ko sa sarili ko 'pag itong babaeng ito naging akin...kasi luko-luko talaga ako kuya Wil sa totoo lang pero bibitawan ko lahat para sa kaniya," ayon kay Buboy.
Natuwa naman si Kuya Wil sa closeness ng dalawa at nakitang pagmamahalan nila sa isa't isa kaya nangako siyang sasagutin ang plane ticket ng dalawa kapag nagpunta sila sa Amerika.
Reregaluhan din niya ng bakasyon sa Hong Kong ang dalawa.
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- FRJ, GMA News