Why 'Rom-Com Queen' Jennylyn likes new pairings for each movie
Hindi raw inasahan ng Kapuso host actress na si Jennylyn Mercado na mababansagan siya bilang "Ultimate Star" at "Romcom Queen."
Aniya sa panayam ng GMA News, nagpapasalamat siya sa mga tagahanga niyang patuloy na sumusuporta sa kaniya at sila ring naging daan upang kilalanin siya bilang isa sa pinakamagaling na aktres sa industriya.
Bukod sa pagganap niya sa iba't ibang genre ng programa at pelikula, marami na ring leading men ang nakapareha ni Jen at lahat ng ito ay tinangkilik ng mga manonood.
Kabilang sa mga naging leading man ng aktres sina Dennis Trillo, Derek Ramsey, Sam Milby, Jericho Rosales, at marami pang iba.
Sa ilang taon niya sa showbiz, dalawang beses nang kinilala si Jen ng Metro Manila Film Festival bilang Best Actress.
Ayon sa Kapuso host-actress, "Masaya 'yung nakakapag-explore ako at ang audience. Kasi kung isa lang 'yung leading man ko, pare-pareho lang ang mapapanood nila. Medyo nakakasawa rin para sa kanila."
"Mas maganda 'yung may iba't ibang flavor, subukan nila kung may chemistry ba. Nakakatuwa na 'yung mga reaction ng mga tao, 'Uy, bagay pala sila,' 'Uy, pwede pala.' Kasi parang mas maganda rin 'yung nakakapaglibot tayo. Pwede kahit saan and hindi naka-lock lang sa isang bagay," dagdag pa niya.
Itinanghal rin siya bilang showbiz A-Lister sa Yes! 100 Most Beautiful Stars ngayong taon.
Sa kabila ng kaniyang tagumpay, aminado si Jen na nakatatanggap pa rin siya ng mga negatibong komento mula sa ibang tao.
Imbes na damdamin ang mga ito, hindi na lamang raw pumapatol ang aktres upang hindi na sumama ang kaniyang loob.
"Okay lang 'yun. Sanay na ako diyan. Hindi naman natin mapi-please lahat. Araw-araw nakaka-receive ako ng iba't ibang klaseng pamba-bash. I don't think kailangan kong dibdibin lahat ng sinasabi nila," ayon sa Ultimate Star.
Pagtatapos niya, "'Yung iba, talagang below-the-belt na, pero hindi ko kailangang patulan o sakyan." —JST, GMA News