Premiere night ng 'Imagine You & Me' sa Rome, Italy, naging matagumpay
Dinagsa ng AlDub fans ang premiere night ng pelikulang pinagbidahan nina Alden Richards at Maine Mendoza na "Imagine You & Me" sa Rome, Italy.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing maaga pa lang ay naghintay na sa labas ng sinehan ang mga tagahanga ng phenomenal love team para sa international screening ng pelikula.
Bukod sa magandang kuwento, puno ng kilig at tawanan ang pelikula na nasa second week na ng showing sa Pilipinas.
Ang isa raw sa mga tagahanga, nagpa-rebook pa ng biyahe pabalik ng Germany para lang mapanood ang "Imagine You & Me."
Patuloy naman ang pasasalamat nina Alden at Maine sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanila.
"Hindi naman po kami magsasawang magpasalamat sa inyong lahat sa walang sawa ninyong pagsuporta," saad ni Maine. -- FRJ, GMA News