Costume ni Conan 'The Mountain' Stevens sa 'Encantadia', ipinasilip
Sinabi ng Aussie actor na si Conan Stevens na malayo sa karakter niya sa 'Game of Thrones' ang papel na gagampanan niya sa Kapuso fantaseryeng "Encantadia," na inilarawan niyang pang-world-class ang trabaho ng mga kasama sa programa.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Conan na nang isuot niya ang kaniyang costume para sa "Encantadia," naalala niya ang kaniyang karakter na si Gregor Clegane o si "The Mountain," na ginampanan niya sa worldwide hit series na "Game Of Thrones."
Sa kaniyang tangkad na seven feet at malaking pangangatawan, tiyak na katatakutan si Conan sa kaniyang mandirigmang costume sa "Encantadia."
Pero malaki raw ang pagkakaiba ng kanyang karakter sa "Game Of Thrones" sa gagampanan naman niyang role sa "Encantadia," na hindi pa ipinapaalam.
Excited na raw si Conan na mag-taping para sa "Encantadia," na kaniyang hinahangaan dahil na nakikita niyang husay at dedikasyon ng mga Pinoy pagdating sa pagpapaganda ng telefantasya.
Inilarawan niyang "world-class" ang trabaho ng mga cast at staff ng "Encantadia," at labis siyang natutuwa at nagpapasalamat sa GMA sa pagkakataon na ibinigay sa kaniyang para mapabilang sa proyekto. -- FRJ, GMA News