ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
NAIS MALINIS ANG PANGALAN

Julio Diaz, lumapit sa pulisya para linawing wala siyang kinalaman sa droga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dumulog sa pulisya ng Meycauayan, Bulacan ang isang batikang aktor na si Julio Diaz para linisin ang kaniyang pangalan matapos na isama raw siya sa listahan ng mga gumagamit ng iligal na droga sa kanilang barangay.

Sa exclusive report ni Marisol Abduraman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage sa pagpunta ni Julio sa Meycauayan Police Station nitong Lunes para idulog sa hepe nito ang pagkakasama ng kaniyang pangalan sa listahan ng mga drug user sa kanilang barangay.

Itinanggi ni Diaz sa hepe ng Meycuayan police na si Supt.  Lailene Amparo na gumagamit pa siya ng iligal na droga.

Kinunan din siya ng larawan na nanunumpa sa harap ni Amparo.

Ikinatuwa naman ng hepe ang pagpunta ni Julio sa kanilang himpilan para linisan ang kaniyang pangalan.

Makikita raw ang pagnanais talaga ng aktor na magbago lalo na't kagagaling lang nito sa sakit na aneurysm.

Pero ayon kay Igmedio Lunaria, chairman ng barangay Langka, Meycauayan, marami raw ang magpapatunay na gumagamit ng iligal na droga ang aktor.

Sumagot ng "yes" ang kapitan nang tanungin kung nakalagay sa kanilang listahan ang mga matagal o bago pa lang na gumagamit, o maging ang mga huminto na sa paggamit ng droga.

"Yes, 'yon ang patakaran namin sa aming barangay," ani Lunaria.

Sa eksklusibong panayam ng GMA News, sinabi ni Julio na nagtungo siya sa pulisya hindi para sumuko kung hindi para linawin sa mga awtoridad na wala siyang kaugnayan sa droga.

"Kaya ako nagpunta doon is klinaro ko na hindi ako kabilang sa mga tao na hinahanap nila. Bakit ako kailangang isama sa 'Tokhang' letter na 'yan," saad ni Julio.

Inamin naman ni Julio na gumamit siya ng iligal na gamot noong panahon ng kaniyang kasikatan pero matagal na panahon na raw niya itong itinigil.

"Hindi ako puwedeng ma-adik sa lintik na droga na 'yan kasi it will kill me," dagdag niya.

Kabilang si Julio sa cast pelikulang "Ma'Rosa" na tumalakay sa usapin ng iligal na droga na obra ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza.

Kagagaling din lang ni Julio sa pagpapagamot dahil sa aneurysm.

Ayon sa ulat, suportado ni Julio ang kampanya ng pamahalaan ng kontra sa iligal na droga pero dapat daw na gawin ito nang maayos at tama. -- FRJ, GMA News