Kiko Estrada, naging emosyunal nang alalahanin ang namayapang lolo na si Paquito Diaz
Maliban sa mga magulang na artista na sina Gary Estrada at Cheska Diaz, inihayag ng Kapuso young actor na si Kiko Estrada na naging malaking impluwensiya sa pagpasok niya sa showbiz ang namayapa niyang lolo na dati ring aktor na si Paquito Diaz.
Sa episode ng "Tonight With Arnold Clavio" nitong Miyerkules, naging bisita ng programa ang main cast ng "Sinungaling Mong Puso" na kinabibilangan nina Rhian Ramos, Rafael Rosell at si Kiko.
Sa panayam ni Arnold, sinabi ni Kiko na kasama rin sa "Sinungaling Mong Puso" ang kaniyang ina na si Cheska, na gumaganap sa role bilang nanay niya sa naturang drama series.
Kuwento ni Kiko, kung minsan ay nagbabatuhan o nagsasanay na silang mag-ina ng kanilang linya o script habang kumakain.
Tumutulong din daw sa batuhan nila ng linya ang iba pa niyang kapatid na nagbabasa ng linya ng ibang karakter.
Nang tanungin ni Arnold si Kiko kung papaano siya nagdesisyon na pumasok sa showbiz, sinabi niya na ang kaniyang lolo na si Paquito ang higit na nakapag-impluwensiya sa kaniya.
"Nung bago siya namatay sinabi niya sa akin, 'ikaw ang papalit sa akin,'" lahad ni Kiko.
Patuloy niya, "Sinabi ko sa kaniya, 'walang puwedeng pumalit sa iyo. Hindi ko kaya 'yon."
Dito na naging emosyonal si Kiko nang ibahagi rin ang binitiwan niyang pangako sa lolo para madalaw ito.
"Nag-promise ako sa kaniya na hindi ko siya bibisitahan hanggat wala akong...hindi ako nanalo ng best actor award o kahit ano," aniya.
Kaya naman daw ginagawa niya ang lahat para mapahusay ang kaniyang trabaho tulad ng pagsalang sa mga acting workshop at pagbasa nang husto sa script.
Isa si Paquito sa mga pinakasikat noon na artista sa bansa na kadalasan ay kontrabida ng mga action star katulad ni Fernando Poe Jr. -- FRJ, GMA News