Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong Dantes: 'Let's all be part of the change na gusto nating mangyari'


Nilinaw ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na wala siyang balak na pasukin ang pulitika kahit ipinagpapatuloy niya ang adbokasiya sa pagtulong sa mga nangangailangang kabataan at sa ikabubuti ng bansa.

Matapos maging opisyal sa National Youth Commission sa nagdaang administrasyong Aquino, patuloy na nagsisilbi si Dingdong sa publiko sa pamamagitan ng kaniyang non-government organization na YesPinoy, na nakatuon sa nation-building at sa pagpapayaman ng Filipino Volunteer Sector.

READ: Dingdong Dantes quits Youth Commission to join Robredo campaign

“Yung trabaho ko naman sa development ng youth sector, tuloy-tuloy lang through the NGO that I am part of. Tuloy-tuloy naman 'yon, nasa gobyerno man ako o wala,” paliwanag ng Kapuso actor.

Matatandaang nitong nakaraang taon, kabilang si Dingdong sa naging kinatawan ng YesPinoy at NYC sa mga nanguna sa #NowPH campaign, na layong hikayatin ang mga Pilipino na magkaisa laban sa climate change.

Isa rin siya sa mga naging kinatawan ng Pilipinas sa ika-21 session ng Conference of the Parties ng Paris Climate Conference 2015 noong nakaraang Disyembre.

 

Nagsilbi rin siya bilang Youth Ambassador for the Arts of the National Commission for Culture and Arts at isa sa mga consistent model youth leaders ng Department of Education and Sports (DepEd), na naging daan upang igawad sa kaniya ang Youth Leadership Achievement Award (YLAW).

Bilang isang mamamayan, hinihikayat ni Dingdong ang lahat ng Pilipino na tumulong sa pagpapaunlad ng bansa at suportahan ang kasalukuyang administrasyon.

Ayon sa Kapuso Primetime King, “Ang mahalaga ngayon, lahat tayo ay mag-participate sa nation-building at sa pagiging responsible citizens. Nagsisimula ang present administration so mahalagang tulungan natin at makibahagi tayo.”

"Let's all be part of the change na gusto nating mangyari,” pagtatapos niya.

 

-- FRJ, GMA News