Aicelle Santos at Rodjun Cruz, magtutuos sa 'Lip Sync Battle Philippines'
Matapos ang tapatan nina Camille Prats at Gladys Reyes nitong nakaraang linggo, maghaharap naman sa “Lip Sync Battle Philippines” stage ngayong darating na Sabado ang magkaibigang sina Aicelle Santos at Rodjun Cruz.
Karangalan daw para kay Rodjun ang makatapat ang tinaguriang “Traffic Diva” ng “Eat Bulaga!”
Gayunpaman, hindi raw siya magpapahuli sa paghataw upang mapasaya ang mga manonood.
“Pagdating sa dance floor, mas makakahataw ako sa kaniya. 'Yun siguro ang edge ko,” ani Rodjun.
“Ako ang mananalo ngayong Sabado kasi mag-eenjoy ako. Win or lose, ibibigay ko ang lahat. Totodo ako para sa inyo. Ate Aicelle, humanda ka dahil gagawin ko ang lahat,” dagdag pa niya.
Samantala, aminado man si Aicelle na hindi siya sanay mag-lip sync bilang isang singer, lalaban pa rin daw siya pagdating sa entablado.
Ayon sa “Eat Bulaga!” host, “Siyempre, lalaban ako kahit napakagaling na mananayaw ni Rodjun. Tatapatan ko 'yan. Humanda kayo sa moves ko... Kayang-kaya ko 'yan.”
Pangako pa niya, kakaibang Aicelle raw ang mapapanood sa “Lip Sync Battle Philippines” ngayong Sabado.
-- Bianca Rose Dabu/FRJ GMA News