Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto promises something different for new Enteng Kabisote movie


Muling magbabalik sa big screen si Enteng Kabisote, ang karakter na binibigyang-buhay ng batikang komedyante na si Vic Sotto, na minahal na ng mga manonood at inaabangan na tuwing sasapit ang Pasko.

Apat na taon ang lumipas mula nang huling magkaroon ng “Enteng Kabisote” episode sa mga sinehan, at muling nagbabalik si Bossing kasama ang star-studded cast ng “Enteng Kabisote and the Abangers” upang subukan muling mapabilang sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF).

Aminado ang “Eat Bulaga!” host na nagdalawang-isip siya sa muling pagsali sa MMFF ngayong taon dahil sa pinaagang deadline nito at sa mga binagong patakaran, kabilang na ang pagkakasama ng completed film sa requirements na kailangang ipasa ng mga nais lumahok.

“Nagdalawang-isip kami kasi sa naiisip naming project, parang hindi namin kayang tapusin in two months. Originally, the deadline was set for September. Given the time frame, hindi namin kakayanin kasi hindi naman puwedeng madalian. Lalo na ang 'Enteng Kabisote,' hindi puwedeng basta-basta lang,” paliwanag niya sa naganap na story conference nitong Miyerkules.

Dagdag pa ni Bossing, “We have to come up with something different from the other 'Entengs,' siyam 'yun. This time, kailangang naiiba talaga sa nagawa namin.”

Gayunpaman, hindi niya matanggihan ang hiling ng mga tagahanga ng kaniyang pelikula, kaya naman mas pinaganda at mas kakaibang “Enteng” raw ang matutunghayan ngayong taon.

Aniya, “Marami rin ang nagre-request na fans. Miss na raw nila si Enteng. Parang hindi kumpleto ang Pasko kapag wala si Enteng Kabisote. Matagal-tagal na ring hindi napapanood. 'Yun ang nagtulak sa amin na gawin ang ikasampung episode ni Enteng.”

New story

Maliban sa fans, isa rin umano sa nakapag-kumbinse kay Bossing na gawin ang pinakabagong “Enteng Kabisote” ay ang kuwento nito, na talagang kakaiba sa mga naunang episode ng kilalang movie franchise.

 

 

“Noong nagmi-meeting kami, sabi ko, 'Kung gagawin natin ang 'Enteng,' kailangan iba at bago. Hindi puwede 'yung dating gawi na nagawa na namin. Sa dami ng episode, halos lahat ng kalaban, nakalaban ko na. 'Yun ang naging basehan ko. Kailangan bago—mula sa hitsura hanggang sa istorya,” kuwento niya.

Dagdag pa ni Bossing, “Hindi puwede 'yung usual na may problema sa Engkantasya at ang makakatulong ay tagalupa, o may problema ang engkantada at kailangan ng tagalupa para mag-save. I can assure you na ito ay bago. Cast pa lang, kakaiba na. Maraming bago. I'm very excited to do this film.”

Maliban sa star-studded cast na kinabibilangan nina Epi Quizon, Ken Chan, Bea Binene, Ryza Cenon, Oyo Boy Sotto, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Sinon Loresca a.k.a. Rogelia, Cacai Bautista, at marami pang iba, pinabongga rin ang special effects ng hit fantasy-comedy film.

Pati ang kuwento ay isasabay na sa makabagong panahon, o sa gawi ng mga tinatawag na “millenials.”

Maririnig raw dito ang mga sikat na kataga, tulad ng “O.M.G.” at “Pak ganern!”

“As far as special effects are concerned, iba na talaga. 'Yung character ni Enteng, makikita nilang nag-iba na rin. He has to go with the flow. May pagka-millenial na ang dating ni Enteng Kabisote dito,” ayon kay Vic.

Who will play Faye?

Kabilang rin sa mga aabangan sa pelikula ang reunion ng tatlong lola — sina Lola Nidora, Tidora, at Tinidora — pati na ang bagong gaganap na Faye, ang asawa ni Enteng Kabisote.

Umaasa raw ang mga bumubuo ng pelikula na mabibigyan muli sila ng pagkakataong mapasaya ang mga Pilipino sa darating na Pasko, tulad ng nakagawian nila sa mga nakalipas na taon.

Ayon kay Jose, “Panata na ito tuwing Pasko. 'Yung ibinibigay ni Bossing na saya sa mga bata, hindi puwedeng wala 'yan sa Pasko. Parte na ng buhay ng mga Pilipino 'yan.”

“Hopefully, pamaskong handog ulit natin sa mga manonood ng pelikulang Pilipino,” pagtatapos ni Bossing. —JST, GMA News