Maricris Garcia on couple Aicelle Santos and Mark Zambrano: 'In love na in love'
Ngayong malapit nang ikasal ang Kapuso singer na si Maricris Garcia, masaya siyang nakahanap na rin ng pag-ibig ang kaniyang malapit na kaibigan at maid of honor na si Aicelle Santos.
Simula nitong mga nakaraang buwan, proud na ibinabahagi ng tinaguriang "Traffic Diva" at ng kaniyang kasintahan at GMA News reporter na si Mark Zambrano ang sweet moments nila sa social media.
Sa sobrang lambing ng dalawa sa isa't isa, madalas na binibiro ni Maricris ang kaibigan na baka mauna pa itong magpakasal at maging "matron of honor" pa niya.
"Inaasar ko siya lagi na baka mauna pa siya sa akin. Sabi niya, 'Naku, hindi pa ako ready.' Ako naman, 'Sus!'" kuwento ng singer.
Dagdag pa niya, "In love na in love. Sobrang in love na in love. Sabi ko nga, ayaw kong kasama siya na nandiyan si Mark kasi hindi ko na siya makausap. Hindi kami makapag-chikahan!"
Talagang sweet raw talaga sina Aicelle at Mark tuwing magkasama sila, kaya naman minsan ay wala nang magawa si Maricris kung hindi tumingin.
"Para silang high school! Parang mga bata! Nakakatuwa naman na makitang masaya sila. I'm very happy for Aicelle," ayon kay Maricris.
A photo posted by Aicelle Santos (@aicellesantos) on
Bukod sa kaniyang paghahanda sa nalalapit niyang kasal, inihahanda na rin ni Maricris ang kaniyang bagong album sa ilalim ng GMA Records.
"It's a compilation of the theme songs I have done with GMA, tapos dadagdagan namin ng bago," aniya.
Pagtatapos ni Maricris, "May pinag-aaralan kaming iba't ibang materials at genre, kaya hopefully, maganda ang kalabasan." -- FRJ, GMA News