Aiza Seguerra at Liza Diño, binigyan ni Duterte ng posisyon sa gobyerno
Ang celebrity couple na sina Aiza Seguerra at Liza Diño ang pinakabagong nadagdag sa listahan ng mga celebrity na binigyan ng posisyon ng administrasyong Duterte.
Hinirang ang singer-songwriter na si Aiza bilang chairperson ng National Youth Commission.
"Ms. CARIZA Y. SEGUERRA has been appointed as CHAIRPERSON, NATIONAL YOUTH COMMISSION for a term of three years," saad sa pahayag ni Presidential spokesperson Ernesto Abella nitong Biyernes.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Aiza na natanggap niya ang kaniyang appointment papers nitong Huwebes at magsisimula siyang magtrabaho sa Martes.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Aiza na isang hakbang ito para makaambag siya pagbabago sa lipunan.
Makikipag-pulong din daw siya sa dating NYC Commissioner-at-Large na si Dingdong Dantes.
Idinagdag naman ni Abella na magiging chairperson ng Film Development Council of the Philippines ang life partner ni Aiza na si Liza.
May bisa ng tatlong taon ang termino ni Liza sa nasabing posisyon.
Magpo-focus daw si Liza sa pagpapahusay at pagpapalaganap ng galing at potensyal ng regional cinema, na alinsunod na rin sa federalism plans ng pangulo.
Si Liza ay anak ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairperson Martin Diño, na unang naghain ng kandidatura bilang presidente ng PDP-Laban, na kinalaunan ay pinalitan ni dating Davao City at ngayo'y Pangulong Rodrigo Duterte.
Kapwa masugid na tagasuporta ni Duterte sa nakaraang kampanya sina Aiza at Liza.
Ilan pa sa mga celebrity na nabigyan ng posisyon sa pamahalaang Duterte ay sina Arnell Ignacio, bilang AVP of the Community Relation and Services Department ng PAGCOR); at Kat de Castro bilang Undersecretary ng Department of Tourism.
Hindi naman natuloy sa PAGCOR pero inaasahan mabibigyan pa rin ng ibang posisyon si Jimmy Bondoc.
Nagpahayag din ang legendary singer na si Freddie Aguilar na maitatalaga siya sa National Commission for Culture and the Arts. -- FRJ, GMA News