ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Aiza Seguerra on bashers: 'Ako na lang ang tirahin, not my wife'


Nanumpa na si Aiza Seguerra bilang chairperson ng National Youth Commission (NYC). May mensahe rin siya sa mga basher ng kaniyang asawang si Liza Diño, na itinalaga namang pinuno ng Film Development Council of the Philippines.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabi ng dating child star na si Aiza na naninibago siya sa kaniyang bagong trabaho pero may pagkakatulad naman daw ito sa show business pagdating sa usapin ng management o pamamahala.

"Sa totoo lang siguro may ilang proseso na bago...in terms sa organizational skills and everything it's not very new because sa trabaho ko naman may mga organization din na kailangan mangyari kundi hindi tatakbo nang maayos yung produksyon," paliwanag niya.

Ayon kay Aiza, pagsisikapan niya na magkaroon ng boses ang mga kabataang hindi gaanong nabibigyan ng pansin dati.

Sa mass oath-taking ceremony na ginawa sa mga bagong opisyal ng pamahalaan, bahagyang nagkausap sina Aiza at Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaugnay nito, batid daw ni Aiza na may basher siya lalo na ngayon na may posisyon na siya sa gobyerno. Pero nasanay na siyang hindi ito pansinan.

Ang hindi raw niya matanggap ay kapag nakakabasa siya ng mga paninira sa kanyang asawang si Lisa na bagong chairperson ng Film Development Council of the Philippines.

"Sa totoo lang sabi ko nga, ako na lang ang tirahin not my wife. Sa kaibigan na lang ako nagra-rant. I rather not...doon ako naapektuhan," aniya.-- FRJ, GMA News