What Andre Paras thinks about working with Conan Stevens
Muling madadagdagan ang mga karakter na magbibigay-kulay sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na "Encantadia."
Matapos ipakilala sina Miguel Tanfelix, Alden Richards, at ang Hollywood actor na si Conan Stevens bilang ang mga bagong bibida sa kuwento, ipinasilip na rin sa mga manonood ang karakter na gagampanan ng Kapuso actor na si Andre Paras.
Bibigyang-buhay ni Andre ang karakter na si Wahid, na ginampanan ng kaniyang amang si Benjie Paras sa orihinal na "Encantadia."
Isa ang Kapuso actor sa madalas na makaka-eksena ng "Game of Thrones" star na si Conan sa telefantasya dahil pareho sila ng tribong kabibilangan.
Unang araw pa lamang raw ng taping ay nagkasundo na sina Andre at Conan.
Kuwento ng aktor sa GMA News nitong Miyerkules, "Pareho kami ng first day. Sabi sa akin, ka-tent ko si Conan. So, iniisip ko, baka may buffet, kasi Hollywood, eh. Nakita ko, naka-taping chair lang din siya na maliit. Hindi siya snob."
Dagdag pa niya, "It's amazing... Nag-usap lang kami the whole time. I can say nag-click kami. 'Kine-kuwento niya na iba talaga ang Hollywood from here. He loves the feel here kasi sobrang professional at humble lahat ng tao. I'm proud na nandito siya sa show namin and he feels at home."
Masaya umano si Andre sa role na ibinigay sa kaniya sa "Encantadia" dahil iba't ibang emosyon ang kaniyang maipapakita rito.
Abangan ang paglabas ni Andre at ng iba pang mga bagong karakter sa "Encantadia," na mapapanood gabi-gabi sa GMA Primetime. —JST, GMA News