ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tom Rodriguez shares secret to building onscreen chemistry with two leading ladies


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inaabangan na ng mga manunuod ang pagbida nina Tom Rodriguez, Lovi Poe, at Max Collins sa panibagong GMA Primetime series na "Someone To Watch Over Me," na mapapanood na simula sa darating na September 5.

Isang hamon umano para kay Tom ang bigyang-buhay si TJ Chavez, ang bida ng programa na magkakaroon ng early-onset Alzheimer's Disease.

Maliban diyan, dalawa rin ang magiging leading lady ng Kapuso heartthrob sa teleserye—si Lovi na gaganap bilang asawa ni TJ, at si Max na magbibigay-buhay naman sa college sweetheart ng karakter ni Tom.

Ito ang unang beses na makakapareha ni Tom ang dalawang magaling na Kapuso actresses, kaya naman nagpapasalamat siya sa dedikasyon at propesyonalismong ipinapakita ng mga ito.

Ayon kay Tom sa press conference ng teleserye nitong nakaraang linggo, "Napaka-suwerte ko dahil napaka-professional nila at handa silang ibigay ang lahat ng kailangan para magampanan at maipakita ng tama yung mga ganung kasensitibong eksena. Kaya grabe, hats off to these two."

"Noong una ako 'yung natatakot na, 'Please, kung ano lang 'yung kaya niyo or kung ano lang 'yung limit niyo. Please, sabihin niyo sa akin.' But they were so professional!" dagdag pa niya.

Hindi na raw nag-alangan si Tom na ibuhos ang lahat ng kaniyang emosyon lalo na't magagaling na mga aktres ang kapareha niya sa pagbibidahang programa.

Aniya, "Lahat ng kailangan naming gawin para maitawid 'yung mga eksena na' yun, na maipakita na 'yung mga tao na 'yun ay nagmamahalan, na malaki 'yung impact sa buhay nila sa isa't isa. [Sabi ko], 'Sige gawin na natin, hindi na tayo mag-eedit or kung ano man.'"

 

Malaking tulong rin daw si Direk Maryo J. Delos Reyes, na diretsong sinasabi sa kanila ang nais nitong makita sa harap ng camera.

"Sinasabi niya kung ano 'yung gusto niyang makita talaga sa amin... Mahirap sa trabaho namin na we have to cultivate relationship and 'yung chemistry," kuwento ng aktor.

Dagdag pa niya, "We really have to jump on the scene kasi kailangan maka-relate ('yung viewers) doon sa story, makita 'yung mga happy moments, all these romantic moments. Para makita at ma-i-compare yung dalawang (babae sa buhay ni TJ), kung ano yung pinagdadaanan ngayon at kung ano 'yung nangyari dati."

Maliban kay Tom, Lovi, at Max, kabilang rin sa mga bibida sa programa ang mga batikang aktor na sina Jackie Lou Blanco, Edu Manzano, Isay Seña, at Ronnie Lazaro, pati sina Boy2 Quizon, Ralph Noriega, at Frances Makil.

Mapapanood na ang “Someone To Watch Over Me” sa GMA Primetime gabi-gabi simula September 5. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News