Alden, opisyal nang sinagot ni Maine
Sila na.
Magiging makasaysayan sa AlDub Nation ang Setyembre 1, 2016 dahil ito ang araw na sinagot na ni Maine Mendoza nang matamis na 'oo' si Alden Richards sa kalyeserye ng "Eat Bulaga" nitong Huwebes.
Nataon ang pagsagot ni Maine kay Alden sa #ALDUB59thWeeksary ng kanilang tambalan na nabuo noong July 2015.
Bago ibigay ni Maine ang kaniyang matamis na oo, bahagyang nagselos pa si Alden nang mapag-usapan nila nina Lola Nidora at Tinidora ang isang "MM" na inakala ng binata na pumuporma sa dalaga nang magpunta ito sa Amerika kamakailan.
Sino ba si MM? :( - Alden #ALDUB59thWeeksary pic.twitter.com/eCnD8zJvBr
— Eat Bulaga (@EatBulaga) September 1, 2016
Kung anu-ano ring pangalan ang lumutang kung sino ang may initial na si "MM" gaya ng "MM" na katambal daw ni "DA."
SABAY SABAY NATING ABANGAN MMYA KUNG SINO SI MM...#ALDUB59thWeeksary @officialaldub16 @jo_frias @ALDUBARKADS pic.twitter.com/pS9yRaJLf6
— OFC AD|MD LA Ca (@ofcaldub_LAcali) September 1, 2016
Nabanggit din ang pangalang "Maurine Mauricio" na kapangalan ng dating sexy actress; "Mokey Manaloto," na kapangalan ng aktor; at "Madame Mauring, na katunog ng pangalan ng isang celebrity manghuhula.
Gayunman, napanatag ang kalooban ni Alden nang sabihin ni Nidora na pinsan ni Maine si MM.
Kasunod na nito ang pagtanong ni Alden ng pinakamahalagang tanong na kung mahal siya ng dalaga.
Bago sagutin ni Maine ang tanong ni Alden, ipinakita ang ilang eksena sa unang pagkikita ng phenomenal love team via split screen hanggang sa mga pagsubok na kanilang dinaanan.
At bago bumusina ang kalyeserye, inihayag na ni Maine na dumating na ang tamang panahon, at sinabi nito kay Alden na, "mahal din kita."
Gaya ng inaasahan, masaya sina Nidora at Tinidora para sa kanilang mga apo.
Abangan ang susunod na kabanata sa kalyeserye ngayong opisyal nang magkasintaha sina Alden at Maine.
At sino nga kaya si MM? -- FRJ, GMA News