Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alden, may bagong single at magandang balita sa AlDub Nation


Matapos ang matagumpay niyang awitin na "Wish I May," maglalabas ng bagong single ang Kapuso leading man na si Alden Richards. May maganda rin siyang balita para sa AlDub Nation.

Sa Chika Minute report ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing excited na si Alden dahil ilalabas na sa Biyernes sa iTunes ang kanyang bagong single na "Rescue Me."

Mula raw ito sa mismong composer ng nauna niyang hit single na "Wish I May" na naging multi platinum.

Ang bagong awitin ay regalo umano ni Alden sa mga taong patuloy na sumuporta sa kaniya.

Samantala, sa mga nami-miss ang tambalang AlDub sa kalyeserye ng "Eat Bulaga" na nagtapos noong nakaraang linggo, sinabi ni Alden na may inihahandang bagong proyekto na pagtatambalan nila ni Maine Mendoza.

Hindi pa masabi ni Alden kung bagong pelikula o teleserye ang pagsasamahan nila ni Maine, at maging sila ay excited na umanong malaman. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT