Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joy Viado, sadya raw masayahin kahit sa likod ng camera


Likas daw na masayahin ang pumanaw na komedyanteng si Joy Viado kahit sa likod ng camera.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, inilarawan ni Epi Quizon bilang "life of the party" si Joy na ilang beses na niyang nakasama sa proyekto.

Aniya, bagay na bagay sa personalidad ni Joy ang kaniyang pangalan.

"It's always a fun set, a joyful set everytime she's around because even if the camera's not rolling, nagpapatawa siya," kuwento ni Epi nang dumalaw sa burol ng aktres.

Kuwento naman ng anak ni Joy na si JC, hanggang sa bahay ay dala umano ng ina ang pagiging komedyante nito kahit noong may sakit na raw.

"Natural na lang yung pagiging komedyante sa ano kaya 'yun din, talagang mami-miss naming lahat sa kanya," saad ni JC.

Pumanaw si Joy nitong Sabado matapos atakihin sa puso. Bago nito, naospital din ang aktres kaugnay ng kaniyang sakit na diabetes na kaniyang nalampasan.

Naiwan ni Joy ang kanyang anak na lalaki at babae.

Nais naman ng kaniyang apat na taong gulang na apo na si Anica Joy na masundan ang kaniyang yapak sa showbiz.

Nagpaabot din ng pasasalamat si JC sa mga kasamahan ng kanyang ina sa showbiz na hindi naging maramot magpakita ng pagmamahal sa yumaong komedyante.

Nakatakda ang cremation ni Joy sa Biyernes sa Arlington crematorium. -- FRJ, GMA News

Tags: joyviado