Hermano Puli among films in Gil Portes’ bucket list
Ipinagmamalaki ng Kapuso actor na si Aljur Abrenica at ng batikang direktor na si Gil Portes ang pelikulang “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli,” na nagsasalaysay ng kuwento tungkol sa isang taga-Quezon na naging malaking bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Isa ang nasabing pelikula sa walong obrang pinagpilian ng Film Academy of the Philippines (FAP) para sa ipapadala nilang pambato ng bansa sa Best Foreign Film category ng Oscars 2017.
Isang malaking karangalan umano ito para sa beteranong direktor, na siyang nanguna sa tatlong pelikulang naging pambato ng Pilipinas sa nasabing prestihiyosong awards ceremony.
Kabilang sa mga pelikula ni Direk Gil na naging bahagi na ng Oscars ang “Saranggola,” “Sa Dibdib ng Kaaway,” at “Mga Munting Tinig.
Hindi man napili bilang kinatawan ng Pilipinas ang “Hermano Puli” sa magaganap na awards ceremony sa susunod na taon, masaya pa rin ang 71-year-old director dahil patuloy na umaani ng papuri ang pelikula.
“At least na-consider nila ang movie namin na maging entry sa Oscars. We promise na marami silang madi-discover sa life story ni Puli... I am happy to have completed it. What makes me happier now is the positive reaction and enthusiastic interest in ‘Puli,'” ani Portes sa naganap na press conference nitong Miyerkules.
Bago pa ipalabas ang pelikula sa mga sinehan sa darating na Miyerkules, September 21, ipinapalabas na ito sa iba't ibang paaralan sa bansa.
Umaani na rin ito ng atensyon sa social media. Sa ngayon, mayroon nang higit sa tatlong milyong views ang trailer ng “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli.”
Isa raw ang kuwento ni Hermano Puli sa tatlong pelikulang nais gawin ni Direk Gil bago siya mag-retiro mula sa industriya.
Kuwento niya, “I discovered the life of Hermano Puli 21 years ago... Nagkakape ako, when an old man approached me and said, 'Puwede niyo po bang basahin ito? Maikli lang. Iiwan ko sa inyo. Ito po ang buod ng kasaysayan ni Hermano Puli. Baka po magandang gawing pelikula.' So, I accepted the manuscript. That night, dadaanan ko lang sana, but I got engrossed.”
“Pagkabasa ko, ang sabi ko, isasama ko ito sa aking bucket list of films to do before I leave this earth,” dagdag pa ng batikang direktor.
Maliban sa pagbibigay-buhay sa kuwento ni Hermano Puli, na matagumpay na niyang nagawa, kabilang rin ang kuwento ng Bells of Balangiga sa Eastern Samar sa mga nais gawing pelikula ng kilalang direktor.
Gusto niya rin umanong ibahagi ang kuwento ng kaniyang buhay sa pamamagitan rin ng isang pelikula.
Mapapanood na ang “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” sa mga sinehan sa buong Pilipinas simula sa darating na Miyerkules, September 21.
Bukod kay Aljur, bibida rin dito sina Louise delos Reyes, Enzo Pineda, Markki Stroem, Vin Abrenica, Allen Abrenica, Kiko Matos, Diva Montelaba, at marami pang iba. —NB, GMA News