Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bagong Pinoy superhero na si ‘Tsuperhero,’ makikilala na!


Isang pilyong superhero ang susubaybayan ng mga Kapuso tuwing Linggo na gagampanan ng Kapuso hunk na si Derrick Monasterio.

Nitong Biyernes, ipinasilip ng GMA Network ang bagong weekly sitcom na "Tsuperhero" na pangungunahan ng Kapuso love team nina Derrick at Bea Binene.

Gagampanan ni Derrick ang role na si Nonoy, isang pilyong jeepney driver na magkakaroon ng natatanging lakas at kakayahang mag-teleport.

Samantala, si Bea naman ang gaganap bilang si Eva na isang barker.

 

 

Ayon sa direktor na si LA Madridejos, magiging mataas ang standards sa paggawa nila ng "Tsuperhero" para makapaghatid ng masayang programa.

"Comedy ito pero kapag fight scenes, dapat parang nanonood sila ng pelikula," aniya.

Ang konsepto ng programa ay mula sa malikot na imahinasyon ng komedyanteng si Michael V. na kasama rin sa cast bilang ang kontrabidang si Maku, na mula sa planetang "Ganernia."

Ang kapangyarihan ni Nonoy na isang pangkaraniwang "sweet lover" na jeepney driver ay magmumula rin sa planeta ni Maku.

Kasama rin sa "Tsuperhero" sina Alma Moreno, Gabby Concepcion, Migs Cuaderno, Betong Sumaya, Philip Lazaro, Valentin, Annalyn Barro, Jemwell Ventinilla, at Kuhol.

Dahil hango sa kultura ng pagiging driver ang programa, ang titulo ng bawat episode ay magmumula sa mga karatulang kalimitang nakikita sa mga jeep.

 

 

Ipalalabas tuwing Linggo ang "Tsuperhero" sa GMA Network. --FRJ, GMA News