ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

P1-M at house and lot, ibinigay na ni Kuya Wil sa unang mega jackpot winner na si Shayne


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Itinuturing na magandang regalo ni Shayne Jones sa kaniyang 18th birthday ang pagkakatanggap niya nitong Lunes mula kay Wilie Revillame nang napanalunan niyang BRIA house and lot at P1 milyon na premyo bilang kauna-unahang mega jackpot winner sa "Wowowin."

Kasama si nanay Rexy, ibinigay ni Kuya Wil kina Shayne ang symbolic key para sa BRIA house and lot ng Vista Land, at ang tseke na nagkakahalaga ng P1 milyon.

“Magandang birthday gift po sa akin kasi nga po mag-18...18 na po ako ngayon so ito po yung regalo sa akin kaya sobrang thankful po ako, lalo na po kay God,” ayon kay Shayne.

Sinabi naman ni nanay Rexy na nang manalo sila sa "Wowowin," hindi na sila umuwi sa kanilang bahay na isang resettlement area dahil sa takot na malooban.

Aniya, kung noon na walang-wala sila ay may nagtatangka na raw manloob sa kanila, lalo pa raw ngayon na may napanalunan sila.

Dati nang sinabi nina Shayne na ilang beses nang pinagtangkaan na pasukin ang kanilang bahay. Nangangamba sila na baka hindi lang pagnanakaw ang pakay ng taong nais pumasok sa kanilang bahay.

Labis ang pasasalamat nila sa GMA, kay Kuya Wil, sa "Wowowin" at sa mga sponsor sa natanggap nilang biyaya.

“Maraming salamat po sa Ama na nagbigay po ng biyayang ito. ‘Yung ginawa niya pong way, ginamit niya po yung Wowowin para po makamtam po namin ‘yung mga matagal na po naming pangarap,” pahayag ni Shayne.

Dagdag pa niya, “Maraming maraming salamat po sa mga staff, sa nagpa-audition po dito kasi po ako po ‘yung napili. Tapos po sa Bria Homes sa maganda pong bahay. Napuntahan po namin, sobrang ganda po talaga. Hindi ko po ine-expect na magkakaroon po ako ng ganoong bahay."

Nitong nakaraang Sabado, itinampok sa "Magpakailanman" ang naging buhay ni Shyne.

-- FRJ, GMA News